Daughters of Saint Paul

OKTUBRE 25, 2021 – LUNES SA IKA–30 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lc 13:10-17

Nagtuturo si Jesus sa isang sinagoga sa Araw ng Pahinga, at may isang babae roon. Labingwalong taon na s’yang may espiritung nagbibigay-sakit; nagkakandakuba na s’ya at di makatingala. Pagkakita sa kanya ni Jesus, tinawag s’ya nito at sinabi: “Babae, lumaya ka sa iyong sakit”. Ipinatong nito sa kanya ang mga kamay at agad na nakatayo nang matuwid ang babae at nagpuri sa Diyos. Nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pahinga kaya sinabi n’ya sa mga tao: “May anim na araw para magtrabaho kaya sa mga araw na iyon kayo pumarito para mapagaling, hindi sa Araw ng Pahinga!” “Mga mapagkunwari, hindi ba’t kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang kanyang baka o asno mula sa sabsaban nito sa Araw ng Pahinga at inilalabas para painumin? At isang babae naman ang narito na Anak ni Abraham na labinwalong taon nang iginapos ni Satanas. Di ba siya dapat kalagan sa Araw ng Pahinga?” Napahiya ang lahat niyang kalaban pagkarinig sa kanya pero nagalak naman ang mga tao sa lahat ng kahanga-hangang ginagawa ni Jesus.

PAGNINILAY

Isinulat ni Nancy Reyes, isang Pauline Cooperator ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Walang pinipiling araw ang paggawa ng mabuti! Nang makita ni Hesus ang babaeng may karamdaman, nadama ni Hesus na gusto nitong gumaling at makalaya. Kaya naman siya’y pinagaling!  Noong siya’y pinagaling, araw iyon ng pamamahinga. Kaya naman, hindi natuwa ang mga namumuno sa Sinagoga at agad binatikos si Hesus.  Isa lamang ang nais ituro sa atin ng ating Panginoon, na ang kabutihan at awa ng Diyos ay walang pinipiling araw, oras o panahon. Tulad ni Hesus, dapat tayong maging sensitibo sa mga pangangailangan ng ating kapwa. Buksan nawa natin lagi ang ating mata at puso upang makita ito… Sa gitna ng pandemyang ating pinagdadaanan, marami sa ating mga kapatid ang nangangailangan, hindi lamang ng materyal na bagay kundi ng pagmamahal, pang-unawa, pagkalinga at pag-asa.  Lagi nating isipin na ang pagtulong sa kapwa ay walang limitasyon, dahil ang paggawa ng mabuti ay tugon natin sa dakilang pag-ibig ng Panginoon. Amen.