EBANGHELYO: Lc 13:18-21
Sinabi ni Jesus: “Ano ang katulad ng Kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa kanyang mga sanga ang mga ibon ng Langit.” At sinabi niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang Kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Divinia de Claro ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Patuloy na kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa mga tao o mga bagay ang Diyos na di kapansin-pansin. Halos di natin namamalayan ang Kanyang pagdating, ang Kanyang pagpapahayag…Tulad ng nabanggit sa dalawang talinhaga sa ebanghelyo: una, ang butil ng mustasa, ito’y isang napakaliit na buto na halos walang halaga. Pero, para sa Diyos ang buto ng mustasa, ay maaring maging isang malaking puno na dadapuan ng mga ibon at magiging silungan ng mga ito. At ikalawa, ang lebadura naman na parang walang saysay, pero ito ang nagpapa-alsa sa masa na nagiging tinapay at nagsisilbing pagkain ng mga nagugutom. Tulad ng buto ng mustasa at ng lebadura, ang isang tao ay maaaring simple at ordinaryo lamang, sa kanyang mga salita at gawa. Pero sa mata ng Diyos siya’y espesyal, dahil bahagi siya ng Kanyang kaharian. Ganyan ang kaharian ng Diyos, kung saan, Siya ang pinagmumulan at Siya rin ang hangganan. Kahit gaano man tayo kaliit at ka-ordinaryo bilang tao, tayong lahat ay may potensyal, na maging bahagi ng kaharian ng Diyos, kung tayo’y mananatili sa Kanyang paggabay at sa Kanyang pagpapatubo sa atin. Tulad ng maliit na buto ng mustasa at tulad ng lebadura na wari ba’y walang halaga, maari tayong gamitin ng Diyos upang maipahayag ang Kanyang kaharian. Magaganap ito, kung tayo’y mananatiling mapagpakumbaba, kung hahayaan natin ang Diyos na mangalaga sa atin, sa Kanyang paghahangad na gawin tayong mga instrumento ng Kanyang pagmamahal, kapayaaaan at kaligahayang dulot ng Kanyang kaharian. Ang katuparan ng kaharian ng Diyos ay makakamtan natin sa kabilang buhay, kung tayo’y namumuhay ayon sa Kanyang kalooban, at ito ay ipinadarama Niya, sa atin ngayon. Kaya hilingin natin sa Diyos na masumpungan natin ang Kanyang kaharian ngayon at magpakailanman.
PANALANGIN
“Ama namin, mapasaamin nawa ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa, para nang sa langit. Amen.