EBANGHELYO: Lc 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon na nagangaral habang papunta s’ya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao, “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing, ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman s’ya sa inyo, ‘Hindi ko alam kung taga-saan kayo.’ Kaya sasabihin ninyo, ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Ngunit sasagutin n’ya kayo, ‘hindi ko alam kung taga-saan kayo. Lumayo kayo sa akin kayong gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng Profeta sa kaharian ng Diyos at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Mary Anthony Basa ng Pious Disciples of the Divine Master ang pagninilay sa ebanghelyo. Minsan ginagamit natin ang ating koneksyon para sa ating pansariling interes o kung ano ang ating makukuha o pakikinabangan. Gumagamit tayo ng pangalan ng ating kakilala na may mataas na katungkulan upang maabot ang ating ambisyon o makarating ng mabilis sa taas ng tagumpay. Ang ganitong pakikipag-ugnayan ay hindi tunay at may personal na motibo. Kaya nga noong tinanong si Hesus kung kaunti lamang ang maliligtas, ang kanyang sagot ay isang paanyaya na dumaan sa isang masikip na pintuan. Ang malalim na relasyon sa Diyos ay may kasamang pagsunod sa kanyang pinagdaanang hirap patungong kalbaryo. Ang tunay at malalim na pagkakaibigan ay isang pangako na hindi bibitaw sa hirap at ginhawa. Ang ating kaligtasan ay pinaghirapan ng Panginoon upang ito ay makamtan para sa atin. Pero may responsibilidad rin tayo na gawin ang nararapat para sa ating sariling kaligtasan. Hindi sapat na kakilala natin si Hesus at alam ang kanyang ginagawa. Nararapat din nating gawin ang kanyang halimbawa at tuparin ang kanyang mga habilin. Ikaw kapatid, sapat ba ang iyong lakas na tahakin ang daan ng krus ni Hesus?