EBANGHELYO: Lc 14:1, 7-11
Isang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo para kumain, at minanmanan naman nila siya. May talinghaga siyang sinabi nang mapuna niyang pinipili ng mga inimbita ang mga unang puwesto: “Kung anyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang lumagay sa unang puwesto. Baka may kinumbidang mas importante kaysa sa iyo, at darating ang kumumbida sa inyong dalawa para sabihing ‘ibigay mo sa kanya ang puwestong ito.’ Kaya mapapahiya ka’t pupunta sa huling puwesto. Sa halip, kung anyayahan ka, sa huling puwesto ka pumunta sapagkat pagdating ng kumumbida sa iyo, sasabihin niya sa iyo: ‘Kaibigan, lumapit ka pa.’ Kaya mapararangalan ka sa harap ng lahat ng inanyayahan. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.” Sinabi ni Jesus sa puno ng mga Pariseo na nag-anyaya sa kanya: “Kung maghahanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mga kaibigan mo o mga kapatid mo o mga kamag-anak mo o mayayamang kapitbahay ang iyong kumbidahin, baka kumbidahin ka rin nila at susuklian ka. Kung maghahanda ka, mga dukha, mga bale-wala, mga pilay at mga bulag ang kumbidahin mo at magiging mapalad ka dahil hindi ka nila masusuklian ngunit sa pagkabuhay ng mga mabuti ka susuklian.
PAGNINILAY
Isinulat ni Emelita Tuazon ng Institute of our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa ibabang linya ng imbitasyon nakasulat RSVP – Please Respond or reply for confirmation to an invitation. Naisip mo ba kung saan ang iyong upuan sa pagtitipon na iyon? Paano nga ba tayo dadalo sa piging ng Panginoon? Sa Mabuting Balita ngayon ipinaalala ng Panginoong Hesus, na kapag inanyayahan ka, doon ka maupo sa pinaka-abang upuan, dahil paglapit ng nag-anyaya sa iyo ay kanyang sasabihin, kaibigan dini ka sa kabisera. Sabi pa ni Mother Teresa ng Calcuta, Humility is the mother of all virtues; purity, charity and obedience. It is in being humble that our love becomes real, devoted and ardent. BEC Coordinator ako noon sa aming Parokya, at marami akong natutunan sa mga aral ng buhay mula sa grupo. Naranasan ko rin harapin ang mga challenges ng pagiging servant leader. Hindi madali, pero nais kong makilala ang Panginoon at sundin ang mga tungkuling ibinigay Nya sa akin. Sa paglipas ng mga panahon, ako ngayon ay Professed Member ng IOLA, patuloy na dumudulog sa piging ng Panginoon. Nawa sa tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria, maisabuhay ko ang kanyang mga halimbawa. Amen