EBANGHELYO: Mt 5:1-12a
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang may mga diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga di marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawan sila. Mapapalad ang may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang kaharian ng langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.
PAGNINILAY
Sa pagdiriwang natin ngayon ng All Saints Day o Araw ng mga Banal, napakagandang pagnilayan kung bakit sila hinirang na banal ng ating Simbahan. Hindi dahil sa sila’y perfecto na sa simula’t simula pa. Ang totoo marami sa kanila ang makasalanan katulad natin. Pero sa tulong ng Panginoon, pinagkalooban sila ng biyayang magbago. Kinilala nila ang kanilang pagiging makasalanan at mahina, at nakipagtulungan sila sa mahiwagang pagkilos ng Diyos na baguhin ang kanilang buhay. At karamihan sa mga banal na ito na binago ng Diyos ay naging saksi ng kanilang pananampalataya at naging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon. Ang Panginoong Hesus ang naging huwaran nila sa pamumuhay sa kabanalan. At ang kanilang paghahangad na sundan ang Kanyang mga yapak ang naging daan para matupad ang kanilang minimithi. Mga kapatid, alalahanin natin na ang pagiging banal ay hindi nangangahulugan na hindi ka na nadadapa at nagkakasala. Kundi ang kakayahan nating bumangon at magsimulang muli sa tuwing tayo’y nadadapa at nagkakasala. Sa Ebanghelyo ngayon, nagbigay ang Panginoon ng konkretong paraan, kung paanong mamuhay sa kabanalan. Sikapin nating gawing panuntunan sa buhay ang mapapalad. Tunay na mapapalad tayo kung di tayo nawawalan ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, kung nagagawa nating ngumiti sa kabila ng pighati, kung nanatili tayong matapat sa pananampalataya sa kabila ng pag-uusig – dahil buhay na walang hanggan ang naghihintay sa atin pagkatapos ng ating paglalakbay dito sa mundo. Sa tulong panalangin ng mga banal, na ngayon kapiling na ng Diyos sa Langit, hilingin natin ang katatagan ng loob na manindigan sa ating pananampalataya hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng ating buhay.