EBANGHELYO: Lc 14:25-33
Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat sa kanya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Susan Peñaflor ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Narinig natin sa Mabuting Balita kung paano si Hesus maglakbay. Maraming nais na sumama sa Kanya. Marahil dahil alam nila na si Hesus ang tanging makatutugon sa halos lahat nilang pangangailangan sa araw-araw na pamumuhay. May isang mag-anak na binubuo ng lima katao, at nakatira sila dito sa ating bansa. Noong 2018, nag “cross-country tour o Big Drive” sila sa United States of America, ng isang buwan bilang “holiday treat” sa kanilang tatlong anak. Bago nila simulan ang kanilang “cross-country tour,” inuuna muna nilang puntahan ang simbahan para manalangin. Sa bawa’t State na kanilang narating, binigyang-halaga nila ang “historical background ng mga landmarks,” upang maipamahagi nila sa social media ang kaalaman na kanilang mga natutunan. Mga kapatid, ang pagsunod po kay Hesus ay nangangailangan ng ibayong sakrispisyo, pagtalikod sa anumang sagabal, at lubusang pag-unawa sa ating desisyon, kasama ang taimtim na panalangin at lubos na pagtitiwala sa ating Diyos. Sa ating paglalakbay, ano ba ang mahalaga na makapagbibigay luwalhati sa Panginoon at makakatulong sa ating kapwa?
PANALANGIN
O Hesus, tulungan nyo po kami na kumalinga sa aming kapwa, lalo na ngayong panahon ng pandemya. San Martin de Porres, ipanalangin mo kami. Amen.