Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 4, 2021 – HUWEBES SA IKA-31 LINGGO NG TAON | San Carlos Borromeo, obispo

EBANGHELYO: Lc 15:1-10

Lumapit kay Jesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Tinatanggap niya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa kanila: “Kung may sandaang tupa ang isa sa inyo at mawala ang isa sa mga ito, hindi baga niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang para hanapin ang nawawala hanggang matagpuan niya ito? At pag natagpuan ito’y masaya niya itong pinapasan sa balikat, at pagdating sa bahay ay tatawagin niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko na ang nawawala kong tupa.’ Sinasabi ko sa inyo: magkakaroon din ng higit na kagalakan sa Langit para sa isang makasalanang nagsisisi kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na di nangangailangan ng pagsisisi. Kung may sampung baryang pilak ang isang babae at nawala ang isa sa mga ito, hindi ba siya magsisindi ng ilaw, magwawalis sa bahay at hahanaping mabuti hanggang matagpuan ito? At pagkakita rito’y tatawagin ang mga kaibigang babae at mga kapitbahay: ‘Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.’ Sinasabi ko sa inyo na ganito rin sa mga anghel ng Diyos, magkakaroon ng kagalakan para sa isang makasalanang nagsisisi.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang parable of the lost sheep and the lost coin ay isa sa mga paborito nating kwento na galing sa Mabuting Balita ni San Lukas. Nakaka-relate kasi tayo dito dahil sa maraming pagkakataon sa ating buhay na para din tayong nawawala o kaya nama’y wala tayong halaga sa ibang tao.  Kung nasa ganito kang karanasan ngayon kapatid, para sa iyo ang Mabuting balitang ito.  Ipinapakita ng Mabuting Balita na lahat tayo’y mahalaga sa Diyos. Kung ang feeling mo ay nawawala ka, o nag-iisa ka o kaya’y binabalewala ka ng iba, merong Diyos na concerned sayo at naghahanap sayo. Kaya nga kahit ang kanyang nag-iisang Anak ay ibinigay Niya upang ang tao ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay kasama Niya.  Sabi nga ni San Pablo: walang anuman ang makapaghihiwalay sa atin sa kalinga at pag-ibig ng Diyos. Ayaw ng Diyos na mawala ang kahit isa sa atin. Sa katunayan, sobrang saya ng Diyos at ng kalangitan kung may isang nawawala at ito’y natagpuan.// 

(Sinasabi ni Hesus na ang Diyos ay Diyos ng awa at handang magpatawad sa mga bumabalik sa Kanya. Mas niloloob ng Diyos na bumalik sa Kanya ang mga nawawala o mga makasalanan kaysa ang mga ito ay tuluyan nang malayo at mapahamak. Nasasalamin sa reaksyon ng mga pariseo at mga eskriba ang madalas na saloobin ng tao sa mga taong “nawawala.” Di tulad ng Diyos na nagbubukas ng pinto ng pagkalinga at pagpapatawad, ang tao ay marahas sa paghuhusga at sarado sa pang-unawa. Kaya nga ang mensahe ng mabuting balita ay para sa lahat: Maging mga tunay na anak nawa tayo ng Diyos, nagpapatawad at kumakalinga lalung-lalo na sa mga nawawala at walang halaga sa mata ng lipunan.// 

PANALANGIN

Salamat, Panginoon sa Iyong pagmamahal. Turuan mo kaming maging mapagkalinga sa isa’t-isa upang walang sinuman sa amin ang mawala; nang sa gayo’y, matapos ang aming paglalakbay dito sa lupa, sama-sama mo kaming makapiling sa iyong tahanan. Amen.