EBANGHELYO: Lc 16:1-8
Sinasabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.’ At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawain ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.’ Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.’ Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.’ Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.’ Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Narci Peñaredonda ng Sisters of Jesus Good Shepherd “Pastorelle” ang pagninilay sa ebanghelyo. Karaniwang ang isang taong may malaking negosyo ay kumukuha ng katiwala. Karaniwan ding ang isang katiwala ay yumayaman. Bakit? Naglalagay siya ng malaking patubo sa mga pautang ng kanyang amo pero ang tubo ay ibinubulsa niya. Malimit hindi ito alam ng kanyang amo. Ganito ang ginagawa ng katiwala sa ating Mabuting Balita ngayon. Pinapatubuan niya ng malaki ang mga utang sa kanyang amo at ang tubo ay napupunta sa kanya. Natunugan ito ng kanyang amo na sa tingin ko ay maka-Diyos, maka-tao at gusto ng makatarungang pakikipagkalakalan. Sinabi niya sa kanyang katiwala na kailangan niyang magsulit ng kanyang pamamahala. Kaya lihim na kinausap ng katiwala ang mga may utang sa kanyang amo at ipinabago ang presyong nakasulat sa kanilang mga listahan para lumabas na wala siyang ganansiyang nakukuha mula sa mga utang na ito. Sa wakas, pinuri ng amo ang kanyang katiwala dahil hindi niya pinatubuan ang utang ng mga tao. Kumukuha lamang siya ng sapat na bayad. Ang ginawa niyang ito ay isang mabuting pagpapasya o prudence. Mga kapatid, hindi tayo tinuturuan ng pagbasang ito na mandaya. Hindi kailanman maituturing na tama ang pandaraya. Pinuri ng kanyang amo ang katiwala dahil sa katalinuhan niyang gumawa ng paraan sa oras ng kagipitan. Paanyaya ito sa atin na gamitin ang ating talino sa paggawa ng kabutihan upang matamo natin ang buhay na walang hanggan.