EBANGHELYO: Lc 16:9-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: gamitin n’yo ang di matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay hindi rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa di matuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga bagay na labas sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng atin na mismo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa o magiging matapat sa isa at mapapabayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Narinig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa n’yo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao pero alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Alex Escurel Pura ng Institute of St. Gabriel Archangel ang pagninilay sa ebanghelyo. Marami sa atin ang may mga ipon sa bangko, may sariling bahay at mga lupain, insurance, investments at kahit memorial plans na nakahanda upang tayo’y magkaroon ng kaginhawahan, pati na ang ating mga mahal sa buhay. Ito ay nagpapakita ng bunga ng ating araw-araw na pagsisikap sa trabaho. Mga kapatid, ang mensahe ng ating pagbasa ngayong araw, ay nag-aanyaya sa atin na maging masinop sa mga bagay ng mundong ito. Pinapaalala din ni Hesus na tayo’y pawang mga katiwala lamang ng kanyang mga biyaya. Kaya nararapat lamang na ibahagi natin ito sa iba, lalo na sa mga nasa laylayan ng ating lipunan. Tinatawagan tayong maging daluyan ng Kanyang mga biyaya sa mga nangangailangan nating mga kapatid, lalo na sa panahong ito ng pandemya. Mahirap itong sitwasyong ating kinahaharap, kung kaya tinatawag tayo upang tumindig at maging biyaya sa iba. Kapatid, nakagawa ka ba ng kabutihan sa iyong kapwa ngayong araw? Kung hindi pa, ito ang tamang panahon upang isagawa ito. Amen.