EBANGHELYO: Lc 17:1-6
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa taong maghahatid nito. Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo s’ya at kung magsisi’y patawarin mo. At kung pitong beses s’yang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din s’yang bumalik sa ‘yo na nagsisisi, patawarin mo s’ya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong mala-igos na ‘yan, ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim’, at susundin kayo nito.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sis Amie Batoctoy ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang narinig nating mabuting balita ay tungkol sa ating pananampalataya sa Panginoon. Kung gaano kalalim ang ating paniniwala at pag ibig sa Diyos na lumikha sa atin. Maihahantulad natin ang ating pananampalataya sa isang butil ng mustasa. Na kahit ito’y isang maliit na butil, pero kung ito ay ating itatanim sa ating puso’t kalooban, pangangalagaan ng mga Sakramento, didiligan ng panalangin, sisikatan ng liwanag ng Salita ng Diyos, ito’y lalago at mamumunga ng hitik sa ating buhay pananampalataya at dadaloy sa ating pagkakawanggawa sa kapwa, lalo na sa nangangailangan. Sa panahong ito ng pandemya, huwag tayong mawawalan ng pag-asa o paghihinaan ng loob. Kailangan nating magtiwala sa Diyos na hindi Niya tayo pababayaan. Umasa tayo, na ginagabayan tayo ng Diyos sa araw-araw nating buhay. Kapatid, kapit lang tayo kay Hesus sa panahong ito ng matinding pagsubok. Siya ang nagbibigay pag-asa, na lahat kakayanin nating malagpasan, kung ang Diyos ang ating kakapitan.
PANALANGIN
Panginoon, dagdagan Mo po ang aming pananampalataya. Sa panahong ito ng matinding pagsubok, wag nawa kaming bibitaw Sa’yong habag at awa. Nananalig po kami na matatapos din ang lahat ng mga pagsubok na aming pinagdadaanan sa panahong Iyong itinakda, Amen.