Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 9, 2021 – MARTES SA IKA-32 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Jn 2:13-22

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon para Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa patay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sis Malou Aguila, isang Pauline Cooperator ng Society of St. Paul – Makati ang pagninilay sa ebanghelyo. Ipinagdiriwang natin ngayong araw ang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma. Tinagurian itong Inang Simbahan ng lahat ng mga simbahang katoliko sa buong mundo. Pinapaalala sa atin ng pagdiriwang na ito ang halaga ng pagiging bahagi at kasapi natin sa simbahan.  Sa Mabuting Balita ngayon, nagalit si Hesus at hinagupit niya at pinagtataob ang mga hapag ng mga nangangalakal na nasa templo. Nawala ang mataas na paggalang sa templo na itinalaga para sa taimtim na pananalangin sa Diyos. Ang mga naroroon ay may mga sariling interes at nakatuon lamang sa materyal na kapakinabangan sa halip na manalangin at magpasalamat sa Panginoon.   Mga kapatid, ang paglilinis ni Hesus sa templo, ay paalala sa atin na tayo’y may paglilinis ding dapat gawin. Suriin natin ang ating mga sarili; maaring marami na tayong dapat ayusin sa ating buhay upang manahan si Hesus sa ating mga puso. Saan ba tayo abala sa panahong ito? Nakatuon ba tayo sa mga materyal na bagay, at makamundong tagumpay? Alalahanin natin na ang lahat ng bagay dito sa mundo ay may katapusan pati na ang hirap na nararanasan natin dulot ng pandemya. Patuloy tayong manalangin at ituon ang ating mga sarili sa tunay na tagumpay – ito ay ang buhay na walang hanggan kasama ni Kristo.

PANALANGIN

Panginoon, maging mulat nawa ako sa katotohanan na ang aking katawan, ay templo ng Iyong banal na Espiritu.  Tulungan Mo po akong igalang at pakabanalin ang aking katawan.  Huwag nawa akong mabulid sa pagkakasala.. Marapatin Mo pong maging kasangkapan ako sa pagpapalaganap ng Iyong kaharian dito sa lupa. Amen