EBANGHELYO: Lc 17:20-25
Tinanong si Jesus ng mga Pariseo kung kailan darating ang paghahari ng Diyos at sumagot siya: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; di masasabing ‘Narito o naroroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Darating ang panahon na pananabikan ninyong makita ang isa sa mga pagpapakita ng Anak ng Tao at hindi naman ninyo makikita. At may magsasabi sa inyo ‘Narito siya, naroon.’ Huwag kayong pupunta, huwag maghahanap. Sumisiklab nga ang kidlat at nagniningning mula sa isang dako ng Langit hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa araw ng kanyang pagdating. Subalit kailangan muna niyang magtiis nang marami at itakwil ng mga tao sa kasalukuyan.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Susan Peñaflor ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin sa Mabuting Balita ang pagtanong ng mga Pariseo kay Hesus kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Ang kanyang tugon: “Hindi lantaran ang pagdating ng Kaharian ng Diyos; hindi masasabing ‘Narito o naroon,’ nasa inyo na nga ang Kaharian ng Diyos.” Mga kapatid, suriin po natin sandali kung ano nga ba ang ibig sabihin ng Kaharian ng Diyos. Ang Kaharian ng Diyos ay masasabing tunay na sumasaatin na, kung Siya ang naghahari sa ating buhay, at kung tinutupad natin ang Kanyang kalooban dito sa lupa. Dumating na nga sa ating piling ang Kaharian ng Diyos, nung pinadala Diyos Ama ang Kanyang bugtong na Anak na si Hesus. Ang mga salita at gawa ni Hesus na nasusulat sa Bagong Tipan ay halos tungkol lahat sa paghahari ng Diyos. Ang mga kababalaghang ginawa ni Hesus, at lahat ng kanyang pagtulong sa mga tao, lalo na ang kanyang pag-aalay ng buhay para sa ating kaligtasan, ay patunay na sumasaatin na ang Kaharian ng Diyos. Pero ang kaganapan ng Kanyang paghahari ay darating pa sa panahong Kanyang itinakda. Ngayong panahon ng pandemya, paano natin maipapakita o maipapadama sa ating kapwa na tunay tayong pinaghaharian ng Diyos? Una, maging masaya! Posible po ito, kahit napakarami nating problema sa ngayon. Magpasalamat sa Diyos sa bawat araw na nagising ka, dahil nangangahulugan ito ng bagong buhay at bagong pag-asa. Pangalawa, maging positibo at magkaroon ng malawak ang pananaw sa buhay. Pangatlo, tumulong sa kapwa nang naaayon sa ating kakayahan, tulad ng ginawa ni Patricia Non, na nagsimula ng Community Pantry. Mga kapatid, isa-puso po natin ito at isagawa, sa tulong ng Diyos.
PANALANGIN
Panginoon, naniniwala po kami na ang bawa’t suliranin ay may solusyon. Taimtim po naming idinadalangin sa Inyo na maghari nang lubusan ang inyong kagustuhan dito sa lupa, para nang sa Langit. Amen.