EBANGHELYO: Lc 18:35-43
Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niya ang maraming taong nagdaraan, itinanong niya kung bakit. At may nagsabi sa kanya: “Sina Jesus na taga-Nazaret ang dumaraan.” Kaya sumigaw siya: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin.” Pinagsabihan siya at pinatahimik ng mga nauuna pero lalo naman niyang nilakasan ang sigaw: “Anak ni David, maawa ka sa akin.” Kaya tumigil si Jesus at ipinadala ang bulag sa kanya at nang malapit na ay itinanong: “Anong gusto mong gawin ko sa iyo?” Sinabi nito: “Panginoon, makakita sana ako.” At sinabi ni Jesus: “Manumbalik ang paningin mo, iniligtas ka ng iyong pananalig.” Agad siyang nakakita at niluluwalhati ang Diyos na sumunod kay Jesus. At nagpuri sa Diyos ang lahat ng nakakita rito.
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Alvin Keith De Perio ng Institute of St. Gabriel the Archangel ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin sa Mabuting Balita ang kalagayan ng isang lalaking bulag. Ang bulag ay tila walang magawa sa kanyang kasalukuyang kalagayan kung kaya’t siya’y nakaupo at namamalimos na lamang sa lansangan. Siya’y nasadlak hindi lamang sa kanyang pisikal na pagkabulag, kundi sa kanyang kakayahang mangarap ng isang magandang bukas, dahil ang kanyang kondisyon ay naghahadlang upang siya’y mamuhay ng maayos. Noong narinig niya na dumaraan ang Panginoon, tila nabuhayan siya ng loob, umaasa na ang kanyang kadiliman ay magwawakas na. Ang pagdaan ng Panginoon sa kanyang direksyon ay sandali ng liwanag at pag-asa para sa kanya. Hindi siya binigo ni Hesus! Pinanumbalik ang kanyang paningin! At nagkaroon din siya ng pagkakataon upang makapagbagong buhay. Mga kapatid, sa ating kasalukuyang panahon, tayo’y nabubulagan rin ng iba’t ibang mga maling paniniwala at mga materyal na bagay, na nakakapaglayo sa atin sa Diyos. Ang ating pakikitagpo kay Hesus ay hindi lamang sandali ng ating kaliwanagan ng puso’t diwa, pagkakataon din ito upang maibahagi din ang liwanag na ating natanggap sa iba nating mga kapamilya, kaibigan at mga taong ating nakakasalamuha sa araw-araw. Inaasahan tayong tumindig at humayo upang maipakalat ang liwanag ni Hesus sa iba. Sa ating pagdiriwang ngayon ng Ika-limandaang taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa ating bansa, tinatawagan tayong maging saksi ng ating natanggap na liwanag ng pananampalataya sa ibang mga nadidiliman ng kanilang mga suliranin at mga hirap sa buhay.
PANALANGIN
Hesus, liwanag ng sanlibutan, ang Iyong pagmulat sa aming mga paningin nawa’y maging daan upang kami ay makapagbagong-buhay at maibahagi ito sa aming mga kapatid na nasa dilim ng kawalang pag-asa. Turuan mo kaming maging instrumento ng iyong pag-ibig para sa kanila. Amen.