EBANGHELYO: Lc 21:34-36
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya’t lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Susan Peñaflor ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Merong isang musmos na batang babae ang dumalaw sa aming kumbento na nagtanong sa kanyang ina ng ganito; “Mommy, bakit po si auntie at ang mga kasamahan niyang mga madre ay palaging nagdarasal? Sinagot siya ng kanyang ina: “Nagdarasal sila para lalo silang mapalapit sa Diyos, at para lagi silang magkaroon ng lakas, upang patuloy sila sa kanilang mga gawain. At gayundin, ipinagdarasal nila ang kanilang mga mahal sa buhay, at yaong mga nahihirapan dahil sa mga problema, kasama na rin ang mga humihingi sa kanila ng mga panalangin.” Mga kapatid, narinig nating sinabi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon, “Kaya’t magbantay kayo at manalangin lagi, upang magkaroon ng lakas na makaligtas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari at makaharap kayo sa Anak ng Tao.” Kaya mahalaga ang mataimtim na panalangin at pagmumuni-muni kung ano ang nararapat nating desisyon, upang maging matatag tayo sa ating pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay. At manalig tayo, na gagabayan tayo ng Diyos hanggang sa wakas. Kayo po, ano ba ang nilalaman ng inyong panalangin? Ito ba’y para lang sa pansariling kapakanan? Di po ba totoo, na sa langit lang ang may “forever”, at dito sa lupa ay pansamantala lamang ang ating buhay? Kailangan po nating alalahanin na lahat tayong mga nilikha ng Diyos ay may pananagutan sa isa’t-isa, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
PANALANGIN
Panginoong Hesukristo, tulungan Nyo po kami na maging karapat-dapat na tawaging mga anak ng iisang Amang Lumikha. Nawa’y matanto namin ang tunay na dahilan kung bakit hindi kami nabubuhay para sa sarili lamang, kundi para din sa kapakanan ng iba. Amen.