Magandang araw ng Huwebes sa Unang Linggo ng Adbiyento! Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan. Muli nating ihabilin sa Kanya ang mga gawain natin sa buong maghapon at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin at sa mga gagawin nating pagdedesisyon. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang pahayag ng Panginoong Hesus na: “Hindi lahat ng tumatawag sa akin ng ‘Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit”, sa Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata pito, talata dalawampu’t isa, dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t pito.
EBANGHELYO: Mt 7:21, 24-27
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhanginan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Samy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, sa mga bagyo at hirap ng buhay, patuloy ba nating pinipili ang maging mabuti at kumapit lalo sa Diyos? Base sa aking karanasan, sadyang napakahirap ang maghintay, ang magtiis, at ang masaktan. Nakakapagod at nakagagalit! Pero ang hatid pala ng mga pagsubok na iyon sa akin, ay turuan akong maging mapagpakumbaba at palalimin pa lalo ang pundasyon ko sa Diyos. At sa pagkapit ko sa kabutihang loob ng Diyos, at sa kanyang awa, pinipili kong maging biyaya sa kung saan man ako ipunla at sa kung saan man ako mapunta.// Ang Mabuting Balita sa araw na ito ay nagpapahiwatig din, na ang pagiging banal at ang kaligtasan ay hindi mabilisang proceso o madaling i-prepare katulad ng instant coffee or noodles. Isa itong paglalakbay, na mahaba at masukal, kung saan marami tayong aral na matututunan at dapat tandaan. Marami tayong sariling gusto na dapat bitawan at pakawalan. Dahil ang buhay ng pagpapakabanal ay hindi lang umiikot sa salita, at sa pagtawag, tulad ng nabanggit sa Mabuting Balita. Ang pakikinig at pagsasagawa ng mga bilin at kautusan ng Diyos ay nangangailangan ng matibay na pundasyon.// Tulad ng mga atleta, kailangan nang constant practice araw-araw ang paggawa ng kabutihan, nang sa gayon magkaroon tayo ng mas malakas na pangangatawan, resistance at endurance laban sa mga bagyo ng buhay at hindi tayo matutumba. Mahalaga din ang tinatawag na muscle memory – ito yung alam natin kung ano ang dapat gawin at mabuting response sa buhay – ang piliin kung ano ang kalooban ng Diyos.