Magandang-magandang araw ng Biyernes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento! Dakilain natin ang Diyos sa walang hanggang paglingap at pagmamahal Niya sa atin. Kahit madalas ang hirap nating maintindihan, maraming reklamo sa buhay at hindi makuntento sa kung anong meron tayo, hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Ang haba ng Kanyang pasensya Niya sa atin. Kaya naman sa ebanghelyo, maririnig natin ang tanong ng Panginoong Hesus, “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon?” Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata Labing-isa, talata Labing-anim hanggang Labing-siyam.
EBANGHELYO: Mt 11:16-19
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo ngunit ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiiom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sis Rose Licup ng Association of Pauline Cooperators, ng Society of St. Paul-Makati ang pagninilay sa ebanghelyo. Mahirap ka bang makuntento? Yun bang lagi ka na lamang nagrereklamo? Yung lagi ka na lamang may puna o napapansing mali? Tulad na lang ng nasasaad sa ebanghelyo natin ngayon, “Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit hindi kayo sumayaw. Nanambitan kami ngunit hind kayo tumangis”. Kahit anong gawin, wala silang maganda at positibong tugon. Naparito si Juan at nag ayuno, ‘di umiinom ng alak—pero sinabihan siyang inaalihan ng demonyo. Dumating din si Hesus na kumakain at umiinom kasama ng mga publikano at makasalanan—itinakwil din nila. Pinupuna ang bawat kabutihan at milagro na kanyang ginagawa. Kung si Hesus mismo ay tinatanggihan nila at binabatikos walang sinuman ang magiging sapat at makakapagpaligaya sa kanila.// Mga kapatid, sa ating panahon ngayon may mga taong mahirap bigyan ng kasiyahan, at kadalasan ang problema ay nasa ating pagtanggap. Mag isip tayo bakit ba ganito ang aking nararamdaman at hindi ako makuntento sa binibigay sa akin ng aking mga magulang, ng aking mga anak, ng aking mga kaibigan at ng simbahan, baka dapat suriin natin ang ating sarili kung bakit. Baka nasa atin ang pagkukulang. Bingi at bulag tayong makita ang tama at maganda. Kaya mas makabubuti na pagtuunan natin ng panahon na bigyan ng kasiyahan o kagalakan ang Panginoon. Sa mga mumunting kabutihan at pagkalinga sa ating kapwa nakasisiguro tayo na napapasaya natin ang Panginoon. Sabi pa nga e “Find time not to please people, but to please only God.”