Mapayapang araw ng Miyerkules sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento! Pasalamatan natin ang Diyos sa pagpanibago ng ating pag-asang harapin ang araw na ito nang may lubos na pagtitiwala. Kamusta na po ba ang mga preparasyong ginagawa natin sa papalapit nang Pasko? Nawa’y nakatutugon tayo sa panawagan ng mga pagbasa ngayong panahon ng Adbiyento na ihanda ang ating puso sa pagdating ng Panginoon. Gawin itong malinis at karapatdapat panahanan ng Banal na Espiritu. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata pito, talata labingwalo hanggang dalawampu’t tatlo.
EBANGHELYO: Lk 7:18b-23
Ibinalita ng mga alagad ni Juan ang lahat ng ito sa kanya kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon para sabihin sa kanya: “Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating ng mga taong iyon kay Jesus, sinabi nila: “Ipinasasabi sa iyo ni Juan Bautista: Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Nang mga sandali namang iyo’y marami siyang pinagaling sa mga sakit, mga karamdaman at masasamang espiritu, at binigyan niya ng paningin ang mga bulag. Kaya sumagot siya sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong nakita at narinig: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga ketongin at nakaririnig ang mga bingi, at nagigising ang mga patay, may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At napakapalad niyang hindi natitisod dahil sa akin.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sis Emy Tuazon ng Institute of Our Lady of Annunciation o IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang adbiyento ay panahon ng paghihintay at paghahanda sa pagdating ng Tagapagligtas. Sa Mabuting Balitang narinig natin, si Juan Bautista na tagapagpahayag sa pagdating ng Mesiyas ay nakaranas din ng pagkainip at pagdududa. Inutusan nya ang dalawa nyang alagad na tunungin ang Panginoong Hesus kung Siya na ba o meron pang ibang darating. At natagpuan nila ang Panginoon ay bising-busy sa iba’t ibang gawaing pagliligtas. Napakaraming nasaksihan ng mga alagad dahil sumunod sila sa utos at hindi nagduda. Mga kapatid, sa mga panahon ng kahirapan at pag-aalinlangan, lumapit tayo sa Panginoon Hesus na ating Tagapagligtas. Ipagdasal rin natin ang ating kapwa! Sila ma’y kamanlalakbay natin patungo sa Diyos Ama. Isa ako sa biniyayaan ng Diyos ng kagalingan, matapos ang mahigit limang taong pagkakasakit sa balat. Tinanaw ko itong tugon ng Diyos sa pagmamahal at panalangin ng aking pamilya at mga kapatid na IOLA. Kaya naman, pasasalamat at paglilingkod ang nais kong ialay sa Diyos dahil sa tinamo kong kagalingan. (Hayaan nyo pong tapusin ko ang aking pagninilay sa lyrics ng awit sa Banal na Espiritu. Liwanag ng aming puso sa ami’y manahan Ka. Ang init ng Yong biyaya sa ami’y ipadama. Patnubay ng mahihirap, ang aming pag-asa’t gabay. Sa aming saya at hapis, tanglaw Kang kaaya-aya. Liwanag ng kaaliwan, sa ami’y dumalaw Ka. Kalinga Mo ang takbuhan, noong unang-una pa. Pawiin ang aming pagod, ang pasani’y pagaanin. Minamahal kong kandungan, sa hapis kami’y hanguin. AMEN.)