Isang pinagpalang araw ng Huwebes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento! Ika-labing-anim ngayon ng Disyembre, pinasisimulan natin ang nakagawiang Misa de Gallo o ang siyam na araw ng pagnonobena bilang paghahanda sa kapanganakan ng ating Tagapagligtas. Sa pagdalo natin ng Simbang Gabi o Misa de Gallo, actual man o via live streaming, idalangin natin na mapanibago sa ating puso ang galak at pag-asa na darating ang Tagapagligtas upang hanguin tayo sa kadilimang ating pinagdadaanan. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata Pito, talata dalawampu’t apat hanggang tatlumpu.
EBANGHELYO: Lk 7:24-30
Ng makaalis na ang mga sugo ni Juan, nagsimula magsalita si Hesus sa mga tao tungkol kay Juan. “Ano ang pinuntahan ninyo sa deserto para makita? Isang kawayang hinahampas hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaki magara ang bihis? Nasa palacio nga ang mga taong magagara ang bihis at napakasarap ang pagkain. Ano nga ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Tama, at sinasabi ko sa inyo higit pa sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa kasulatan. Pinauna ko sayo ang aking sugo, upang ihanda ang daan sa harap mo. Sinasabi ko na walang ng hihigit pa kay Juan sa lahat ng mga anak na babae, pero higit pa sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos. Tumanggap na ng binyag ni Juan ang lahat ng tao na nakakarinig kay Hesus pati na ang mga publicano at kinikilala nila ang Diyos. Hinadlangan naman ng mga Pareseo at mga guro ng batas ang kalooban ng Diyos sa di nila pagpapabinyag kay Juan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig natin na makatlong ulit na nagtanong si Hesus, “Ano ang inyong nakita? Lubhang napakahalaga ng tanong na ito ni Hesus. Ipinakikilala ni Hesus si Juan Bautista bilang pinakadakila sa mga propeta. Si Juan ang tinutukoy sa kasulatan, “Masdan mo ipinauuna ko sa iyo ang aking sugo upang ihanda ang daraanan mo.” Muli ipinakilala ni Hesus, na siya na nga ang Mesiyas na hinihintay. Ipinangaral ni Juan ang ebanghelyo ng kaligtasan. Marami ang sumunod sa panawagan ni Juan at nagpabinyag tanda ng kanilang pagsisisi at pagtanggap sa Diyos. Marami din naman ang pinili na manatili sa kasalanan. Hindi ito naiiba sa ating kapanahunan, marami pa ring kristiyano ang patuloy na namumuhay sa kasalanan. Mga kapatid, ang pagsisisi at pagbabalik loob sa Diyos ay isang personal na desisyon. Isa itong biyaya ng Diyos na nagbibigay sa atin ng kalayaang pumili. Pero hangad ng Diyos ang ating kaligtasan! Ang mamuhay ng matuwid at mapabilang sa kanyang kaharian. Kung ikaw ang tatanungin ngayon ni Hesus, “Ano ang iyong nakita”? Sa tuwing nagsisimba ka, nakikinig sa homiliya ng Pari, nagbabasa ng bibliya, sa social media at kapaligiran? Naisasabuhay mo ba ang iyong pinaniniwalaan? Tatangapin mo ba ang alok ng Diyos na kaligtasan? Ang kasagutan ay manggagaling sa kaibuturan ng ating puso, na ikaw lamang at ang Diyos ang nakababatid kung ano ang nilalaman nito.
PANALANGIN
Panginoon Hesus bigyan nyo po kami ng mga mata na mapagmatyag kung ano ang makatotohanan at matuwid. Mamuhay nawa kami ayon sa grasya ng Iyong kalooban. Amen