Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 18, 2021 – SABADO – MGA HULING LINGGO NG ADBIYENTO | San Pedro Truat

Maligayang araw ng Sabado sa Huling Linggo ng Adbiyento!  Pasalamatan natin ang Diyos sa mga biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin. Nagpapatuloy ang ating paghahanda sa nalalapit nang Pasko.  Sana, sa kabila ng pandemyang patuloy nating pinagdadaanan, manatili sa ating puso ang diwa ng pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos.  Katulad ni San Jose sa maririnig nating ebanghelyo, na lubos na nagtiwala sa ipinahahayag sa kanya ng Diyos.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata isa, talata labinwalo hanggang dalawampu’t lima. 

EBANGHELYO: Mt 1:18-25

Ito ang pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, nagpakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi nga ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’  Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.   Sa ebanghelyo ngayon, nakilala natin si San Jose na isang taong matuwid, “na hindi ginusto na mapahiya sa madla si Maria, kaya nagpasiya siyang paalisin si Maria nang lihim.” Sumusunod siya sa batas, masipag, mababang loob at tunay na nagmamahal kay Maria. Naniwala siya sa sinabi ng anghel sa kanyang panaginip, kaya’t siya ay sumunod at tahimik niyang ginampanan ang kanyang napakahalagang  misyon. Hindi siya nanghusga, hindi siya nanira ng ibang tao. Buong puso niyang inalagaan si Maria at si Hesus. Mga kapatid, kung nais nating makasama din si Hesus sa ating buhay, tulad ni San Jose, makipag ugnayan tayo sa Diyos at kapwa nang may kababaang loob at tahimik na naglilingkod. Tumulong tayo sa mahihina, sa nangangailangan, sa may sakit at sa nagugutom. Si Hesus ay natatagpuan sa mga kapatid nating ganito ang kalagayan. Emmanuel, ang Diyos ay sumasaatin. Sana ay matulad tayo kay San Jose, na natagpuan at nakasama si Hesus sa kanyang kababaang loob at tapat na paglilingkod.