Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon. Ako po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata dalawa, talata isa hanggang Labindalawa.
EBANGHELYO: Mt 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng maga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang bagong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapangkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’ Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan ssila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, gayon na lamang ang galak ng mga pantas nang makita ang bata! Batid nila na ang sanggol na ito ay hari ng buong sanlibutan at lahat ng mga bansa. Ang kaligayahang iyon ang nagbunsod sa kanila para maging mapagpasalamat at masunurin. Nang masilayan nila ang sanggol at pagkatapos magbigay- pugay, sinunod nila ang bilin ng Diyos na huwag dumaan kay Herodes kaya’t nag-iba sila ng daan pauwi. Mga kapatid, maihahambing din natin ang ating buhay sa ginawang paglalakbay ng mga pantas. Gaya nila, may tala din tayong sinusundan. Sino ba ang mga taong iniidolo o hinahangaan natin? Hinahatid din ba nila tayo kay Hesus, na Hari ng sanlibutan? Ngayong nalalapit na eleksyon, maraming kandidato ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na maglingkod. Nagpapakitang gilas sila, nagbibitaw ng mga pangako, at sinusuyo tayong suportahan sila sa darating na halalan. Ang samo’t dalangin ko lamang, maging matalino na tayo at kilatising mabuti ang kanilang track record at kakayahang mamuno, pati na ang kanilang pag-uugali at pinahahalagahan. Karapatdapat ba talaga silang pagkatiwalaan at hangaan? Mga kapatid, nakasalalay sa ating mga kamay ang ating kinabukasan. Kaya wag natin itong ipagsawalang bahala o ipagbibili. Nawa’y maihalal natin yaong mga pinunong may kababaang loob, tunay na malasakit, at tapat na mga lingkod. Ito nawa ang mga katangiang hanapin natin sa mga taong ating iniidolo o hinahangaan na marapat nating pagkatiwalaan ngayong darating na halalan.