Isang mabiyayang araw ng Lunes Kapatid kay Kristo! Ikatlo ngayon ng Enero, ipinagdiriwang natin ang Kabanal-banalang Ngalan ng ating Panginoong Hesus… Idulog natin sa Kanyang Kabanal-banalang Ngalan ang mabubuti nating hangarin sa araw na ito. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Ikaw ba ay bearer ng Good News o Fake News? Bago po natin ito sagutin, pakinggan muna natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata apat, talata labindalawa hanggang labimpito, at talata dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t lima.
EBANGHELYO: Mt 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya sa pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan, pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. “Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagumbuhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao. Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat. Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa panahon natin ngayon na naglipana ang mga “fake news” sa social media, marami ang napapaniwala nito. Kahit magbigay pa ng evidence na “fake news” yung pinaniniwalaan hindi pa rin ma convince ang iba. Totoo nga ang kasabihan na mahirap imulat ang mga mata ng nagbubulag-bulagan. Nakakalungkot isipin na minsan nga, mga kasambahay pa natin o mga kaibigan ang unang naniniwala at nagkakalat ng mga “fake news”. Mga kapatid, ang “fake news” ay opposite ng Good News o Mabuting Balita na ipinangaral ni Hesus, ayon sa ating ebanghelyo ngayon. Sabi nga ni Pope Francis, bilang mga Kristiyano, tayo ang unang tagapagdala ng Mabuting Balita. Isang malaking responsibilidad para sa atin, na labanan ang “fake news” dahil gawain ito ng demonyo. Ang hatid ng Mabuting Balita ay pag-ibig, pagpapagaling, pagkakaisa at kaligtasan; samantalang ang layunin ng “fake news” ay makasakit at makasira sa karangalan ng kapwa at magkawatak-watak ang pamayanan. Ito ay isang hamon para sa ating lahat na maging kritikal ang isipan sa pagsusuri ng mga balita at mga mensahe at komento na ating nababasa lalo na mula sa social media. Ipanalangin natin sa Diyos na pagkalooban niya tayo ng kababaang-loob at isang puso at isipang laging bukas sa katotohanan. Amen.