Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Dakilain natin ang Panginoon sa panibagong buhay at kalakasan, at sa mga biyayang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito. Muli nating ihabilin sa Kanya ang buong maghapon at hilinging pangunahan tayo sa pagtupad ng ating mga tungkulin, at sa mga gagawin nating pagdedesisyon. Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang tagpo ng paglalakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig, sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata anim, talata apatnapu’t lima hanggang limampu’t dalawa.
EBANGHELYO: Mk 6:45-52
Pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang mga bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinunpahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sssh. Tahimik daw, sabi ni Hesus. Tumahimik tayo! Alam na alam ni Hesus ang ating kalooban. Nababasa ni Hesus na may nagaganap na storm surge sa ating saloobin. May daluyong. Mag-focus muna tayo sa sinabi ni Hesus na “Tumahimik ka.” Sa salitang hebreo, raphah. Ibig sabihin, ilaglag, pakawalan, iwanan. Ito ang sinabi ni Hesus dahil alam Niya na nakakapit tayo sa bagyo ng ating kalooban. Tulad ng bagyo ng galit, dahil hindi nasusunod ang gusto mong mangyari. Ssssh. Pumayapa. Ilaglag natin ang galit. Ipagkatiwala sa Kanya ang nangyari. Ikalawa, ang bagyo ng depression, dahil ang daming experiences mo na biktima ka ng “ghosting” Ssssh. Kaya siya nawala, may iba kang matatagpuan. O kaya kumakapit ka na sa hopelessness dahil sa dalawang-taon nang worldwide health crisis. Ssssh. Huminahon. Pakawalan ang kawalan ng pag-asa. Ikatlo, ang bagyo ng dilemma sa kawalan ng paniniwala at pagtalima sa bisa ng herd immunity. Ssssh. Pumanatag. Iwanan ang nakakaligalig sa iyo. Trust and obey. Mga kapatid, ngayong buong linggo ng pagdiriwang natin ng pagpapahayag ni Hesus ng Kanyang sarili, sana maging matiwasay ang kalooban natin. (Di nga ba sa pagsilang ni Hesus, ang wangis Niya, diwa Niya, kalooban Niya, binubuo ng nagkalamang Salita ng Diyos Ama? Matatawag natin itong “deep incarnation”. Bilang nagkatawang- taong Salita, present si Jesus sa bawat nilikha, sa kalooban ng bawat isa. Bilang laganap ang presensya, likas sa Kanya at dulot Niya ang kapayapaan.) Kapayapaan na nagpapahupa ng ano mang uri ng maligalig na damdamin. Kaya’t ilaglag, pakawalan, at iwanan lahat sa sabsaban ni Hesus. Sa ganitong paraan, ipinauubaya natin sa Kanya ang katotohanan na bahagi tayo sa Kanyang pagiging Salita na nabigyang laman. Tumahimik. Tumalima. Ssssh.