Daughters of Saint Paul

ENERO 9, 2022 – UNANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON | Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Unang Linggo sa Karaniwang Panahon, at Kapistahan din ng Pagbibinyag sa Panginoon. Sa pagdiriwang natin ng Pagbibinyag sa Panginoon, sinasariwa din natin ang ating binyag, na naging daan upang maging mga anak tayo ng Diyos, at kapatid ni Kristo Hesus. Ang Sakramento ng binyag ang nagbigay sa atin ng personal na misyon, at patuloy na nagpapanibago ng ating sarili araw-araw upang makatugon sa misyong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata tatlo, talata labinlima hangang labing-anim, at talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t dalawa.  

EBANGHELYO: Lk 3:15-16, 21-22

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Binibinyagan kita sa ngalan ng Ama, Anak, at Espiritu Santo.” Ano ba ang ibig sabihin ng makapangyarihang salita na ito sa Sakramento ng Binyag? Simple lang: Tinatanggap ka bilang kasalo sa isang komunidad kung saan ang Diyos ay iyong Ama, si Hesus ang iyong kapatid, at ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Sa binyag, bumubukas ang langit upang tanggapin tayo bilang mga anak. Sa madaling salita, tayong lahat ay nagiging magkakapatid.  Pero ang pagiging anak ng Diyos ay may kaakibat na responsibilidad. Ito ang mahalagang bagay na sinabi at ipinakita sa atin ni Hesus, ang ating Kuya. Dahil pag-ibig na may lubos-lubusang pagbibigay ng sarili sa kapwa ang ipinakita sa atin ni Hesus sa Krus, ganun din ang resposibilidad na iniaatang sa atin sa binyag at siya namang ating kinukumpirma sa Sakramento ng Kumpil. Kapatid, ang pagtulong mo sa mga nangangailangan kahit na ika’y kapos sa buhay ay isang maituturing na pagsasabuhay ng binyag. Gayun din ang pagtindig mo sa katotohanan sa kabila ng pag-uusig ng mga taong nasa kasinungalingan. Hindi naisin ng Diyos na dalhin ka sa pagdurusa, pero ang mga paghihirap na kaakibat ng iyong lubusang pagmamahal ay nagpapaigting ng iyong relasyon sa Diyos. Habang mas lalong lumalalim ang iyong relasyon sa Diyos, lumalalim din ang iyong pang-unawa sa tunay na kahulugan ng iyong pagiging binyagan.   

PANALANGIN

Ama, tulungan mo kaming matutunan at maisabuhay ang mga halimbawa ni Hesus. Nawa’y ibuhos mo sa amin ang biyaya ng iyong Espiritu nang sa gayu’y mas lalo naming matutunana ang magbigay ng lubos sa kapwa.