Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Lunes kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Panginoon sa biyayang masilayan muli ang ganda ng panibagong araw, na punong-puno ng Kanyang pagpapala at pag-asa. Tanda ito ng kagandahang loob ng Diyos sa atin, na hindi nagsasawang mag-anyaya na sumunod sa Kanya, at maging mamalakaya ng tao, sa kabila ng ating mga kahinaan at pagkukulang. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata isa, talata Labing-apat hanggang Dalawampu.
EBANGHELYO: Mk 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nila iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya ng kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime ai Juan na mga anak ni Zebedeeo; nasa bangka sila at nagsusuri ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang Bangka ang kanilang amang si Zebedeo at umalis na kasunod niya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Sumunod kayo sa akin, at kayo’y gagawin kong mamalakaya ng tao.” Anong nais ipahiwatig ni Hesus sa sinabi niyang “gagawin ko kayong mamalakaya ng tao?” Mga kapatid, parang may sense of urgency ang mga salitang ito ni Hesus. Halina! Para bang sinasabi niyang “huwag na kayong mag-atubili.” Sumunod na kayo! Handa ba tayong talikuran at iwanan, ang nakasanayan nating pamumuhay at sundan siya? Hindi madaling gawin ito, lalo na kung magdedepende lamang tayo sa ating sariling kakayahan. Pero kung kakapit tayo kay Hesus magkakaroon tayo ng lakas na mapagtagumpayan ang ating kahinaan na siyang nagsisilbing hadlang upang maibigay natin ang ating sarili nang buong-buo kay Kristo. Narinig natin sa ebanghelyo ngayon, ang pagtawag ni Hesus sa magkapatid na Simon at Andres, Santiago at Juan. Dali-dali nilang iniwan ang lahat at sumunod kay Hesus. Magagawa ba natin ang radikal na pagtugon na ginawa ng mga unang tagasunod ni Kristo? Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, anong bagay o pag-uugali ang ating maitatakwil o matatalikuran para maibigay natin ng buong-buo ang sarili kay Hesus? Ikaw, kapatid, handa ka bang tumulong at magbigay ng iyong panahon sa isang taong nangangailangan? Handa ka bang magbigay ng oras para pakinggan ang hinaing ng isang kaibigan? Handa ka bang magpatawad at makipagkasundo sa isang taong nakasakit sa iyo? Anuman ang ating estado sa buhay, single man o married, pari o madre, patuloy tayong tinatawag ni Hesus. Araw-araw, hinihikayat niya tayong tumugon ng buong puso sa kanyang panawagan, “Halika, sumunod kayo sa akin.”