Daughters of Saint Paul

ENERO 25, 2022 – MARTES SA IKATLONG LINGGO NG TAON | Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, apostol

Purihin ang Diyos sa pagdiriwang natin ngayon ng Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo Apostol.  Mahalagang bigyang-pansin na sa lahat ng mga banal, tanging Si San Pablo Apostol lamang ang may espesyal na pagdiriwang ng kanyang Pagbabalik-loob. Dahil mahalaga ito sa kasaysayan ng paglaganap ng pananampalatayang Kristiyanismo sa buong mundo.  Si San Pablo Apostol, ang nagpakilala kay Kristong Muling Nabuhay sa mga Hentil, at kabilang tayo sa nabiyayaang makilala ang Panginoong Hesus dahil sa sigasig ni San Pablo sa pagpalaganap ng Mabuting Balita.  Ito din ang hamon sa atin ngayon ng Ebanghelyo:  na maging tagapagpalaganap tayo ng Mabuting Balita sa sangkatauhan.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata Labing-anim, talata Labinlima hanggag Labinwalo. 

EBANGHELYO: Mk 16:15-18

Sinabi ni Jesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.  Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala.  At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason.  Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mag maysakit at gagaling ang mga iyon.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ipinagdiriwang po natin ngayon ang Pagbabalik-loob ni San Pablo, Apostol or the Conversion of St. Paul. Bakit nga ba ipinadiriwang ito ng ating Simbahan? Nais ko pong magbigay ng tatlong pagninilay ukol dito. Una, ang pagbabalik-loob ni San Pablo ay hindi pagbabagong-buhay mula sa kasamaan patungo sa kabutihan. Ang Conversion of St. Paul ay pagpapanibago ng kaisipan mula sa inaakala niyang katotohanan, patungo sa katotohanang ipinahayag sa kanya ni Kristong Muling Nabuhay. Isang matapat na Hudyo si San Pablo, isinasabuhay at tinutupad niya ang mga batas ng mga Hudyo kaya nais niyang hulihin ang mga naniniwala kay Hesus sa pag-aakalang naliligaw sila ng landas. Pero nang magpakita sa kanya si Hesus sa daan papuntang Damascus, namulat siya sa katotohanan at niyakap ang pananampalataya kay Hesus na muling nabuhay. Ganito rin tayo minsan mga kapatid, di ba? Marami ang nagpapahayag na kani-kanyang katotohanan, gaya ng mga kanditato sa eleksyon. Nakakalito na nga minsan, kaya sana buksan natin ang ating isip sa tunay na katotohanang nakabase sa facts hindi sa opinion sa social media o tiktok. Pangalawa, nang masumpungan ni San Pablo si Hesus, hindi na bumalik sa dati ang kanyang pamumuhay. Buong tatag nyang pinanindigan at ipinahayag sa lahat ng sulok ng daigdig ang mabuting Balita ni Hesus na muling nabuhay. Mga kapatid, hingin natin sa Banal na Espiritu ang biyaya ng katapatan at katatagan ng loob na maisakatuparan ang mga resolution na ating ginagawa tuwing magkakaroon tayo ng meaningful encounters with the Lord. Nawa’y hind maging ningas-kogon ang ating mga pagpapasya na sumunod at mabuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Pangatlo, Huwag nating ikahiyang ipahayag sa salita at gawa ang ating pananampalataya. Lalo na ngayong panahon ng pandemya, marami pa ang nangangailangan ng pagmamahal at pagkalinga upang gumaling at makabangon mula sa krisis na dulot ng pandemya. Let us spread love and prayers dahil ito ang hihilom sa mga sugat na dulot ng pandemya at kawalan ng pag-asa.