Daughters of Saint Paul

ENERO 28, 2022 – BIYERNES SA IKATLONG LINGGO NG TAON | Santo Tomas de Aquino, pari at pantas ng Simbahan

Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo!  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan, at sa mga pagpapalang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito.  Muli nating ihabilin sa Kanya ang gawain natin sa buong maghapon at hilinging magampanan ito nang naaayon sa Kanyang mahal na kalooban.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang paliwanag ng Panginoong Hesus tungkol sa Kaharian ng Diyos, sa Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata apat, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t apat.

EBANGHELYO: Mk 4:26-34

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa.  Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan.  Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay.  At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.” At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong kalinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa.  Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng Langit. Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nitoo ayon sa kakayahan ng kanilang isipan.  Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga.  Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar. Sa mga ipinaliwanag sa atin ni Hesus sa mga Ebanghelyo, narinig natin na para itong isang buto ng mustasa na maliit pero sisibol at lalaki na isang mayabong na halaman. Bakit?  dahil ang Kaharian ng Diyos ay isang kaganapan. Ito ay unti-unting pagiging ganap ng kapayapaan, pagmamahal, katarungan sa sanlibutan, hanggang sa tuluyan nang mapuksa ang lahat ng kasamaan. At ang pagdating ni Hesus sa mundo ay katunayan na nagsimula na ito at unti-unti nang nagaganap. Pero paano? Sa tulong ng bawat isa sa atin, sa tuwing ginagawa natin ang mga halimbawa ni Kristo dito sa mundo.  Nang mapagtagumpayan ni Kristo ang kamatayan sa Krus, kinompirma niya na totoo ngang naghahari na ang Diyos sa mundo, at siya ay nasa bawat puso natin. Nasa kung paano tayo mamuhay dito sa mundo magiging ganap ang Kaharian ng Diyos.  Namumuhay ka ba nang may malasakit sa iyong kapwa? Kaya mo bang manindigan sa katotohanan laban sa kamalian at kasinungalingan? Ano ba ang pinapanigan mo ang masama o mabuti? Dahil ang Kaharian ng Diyos ay parang isang binhi na nakatanim din sa ating puso, nasa atin din ang kakayahang alagaan ito. Lalago lamang ito kung pipiliin natin ang maka-Diyos at maka-Kristiyanong desisyon sa buhay.   

PANALANGIN

Diyos Amang naghahari sa sanlibutan, turuan mo akong mamuhay ayon sa iyong mga utos. Amen.