Daughters of Saint Paul

PEBRERO 10, 2022 – HUWEBES SA IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Mapagpalang araw ng Huwebes mga Kapanalig! Purihin natin ang Diyos na patuloy na nagmamahal at kumakalinga sa lahat. Jesus is the face of the Father’s mercy. Isinasalamin ni Hesus ang pag-ibig ng Ama na puno ng awa at pagkalinga sa sangnilikha. Matutunghayan natin ito sa Ebanghelyo ayon kay San Marko, Kabanata Pito, talata dalawamput apat hanggang tatlumpo. 

EBANGHELYO: Mk 7:24-30

Lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa  kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonya sa kanyang anak. Sinabi naman niya sa kanya: ”Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.” Sumagot ang babae: ”Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa  ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinbi sa kanya ni Jesus: ”Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.

PAGNINILAY

Kadalasan nating naririnigna kasabihang Pilipino ay ang mga katagang “May awa ang Diyos”. Ngunit sa harap ng hirap at pasakit ng pang araw-araw na pamumuhay, lalo na ngayong panahon ng pandemya, mukhang napakadaling mawalan ng pag-asa sa habag ng Diyos para sa atin. Ganitong-ganito ang naranasan ng ina sa Ebanghelyo ngayon. Tila ba siya’y pagsakluban ng langit at lupa dahil maliban sa inaalihan ng demonyo ang kanyang anak, siya’y isang dayuhan. Pati si Hesus mismo ay hindi siya agad pinagbigyan – na-reject siya! Ngunit hindi siya nagpatinag; lalo siyang kumapit kay Hesus, at siya’y nabiyayan ng paggaling ng kanyang anak. Sa ibang bahagi ng mga Ebanghelyo, maaalala nating sinabi ni Hesus na “Ask and you shall receive” – pero walang sinabi na ito’y agad-agad mapagbibigyan. Tulad ng ina sa ating tagpo ngayon, huwag nawa tayong magsawa sa panalangin at pananalig na lagi tayong niyayakap ng isang mahabagin at mapagmahal na Diyos. Hilingin natin sa Diyos na tayo nawa ay magkaroon ng matinding pananalig sa kanya upang lagi nating makita ang pagdaloy ng biyaya sa lahat ng pagkakataon. Huwag nawa tayong magsawa sa panalangin at pananalig na lagi tayong niyayakap ng isang mahabagin at mapagmahal na Diyos.