Daughters of Saint Paul

PEBRERO 15, 2022 – MARTES SA IKAANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Isang pinagpalang araw ng Martes mga Kapanalig! Dakilain ang Diyos sa pagkakaloob Niya sa atin ng panibagong pagkakataon na mapagnilayan ang kanyang Mabuting Balita.1 Cor, 2:9 Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga at hindi sumagi sa isip ng tao kung ano ang inihanda ng Diyos sa mga nagmamahal sa Kanya.” Sinasabing hindi sapat angating kaalaman upang ating maranasan ang kapangyarihan ng Salita ng Dios. Mahalaga ang karunungang makalangit na maghahatid sa atin ng mas malalim na pagkakakilala sa ating Panginoon. Pakinggan natin ang Ebanghelyo ayon kay San Markos kabanata walo, talata labing-apat hanggang dalawamput isa. 

EBANGHELYO: Mk 8:14-21

Nakalimutan ng mga alagad na magadala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Ba’t n’yo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba n’yo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong hindi nakakakita at may taingang hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus:    “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”  

PAGNINILAY

Tila nakalimutan na ng mga alagad ang mga milagrong ginawa ni Hesus noong siya’y nagpakain ng maraming tao. Mariing itinanong ni Hesus ang mga alagad: “Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan”?“Mayroon kayong mga mata, hindi ba kayo nakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi ba kayo nakakarinig? at hindi ba ninyo naalaala?  hindi pa ba ninyo napaghahalata o nauunawaan? nangagmatigas na ba ang inyong puso? Mahirap naman talaga siguro sa parte ng mga apostol at disipulo na maunawaan ang misteryo ng pagkatao at gawain ni Hesus. Gayunpaman ang paalala at hamon sa atin ay nananatili: sa kabila ng hindi natin pagkaintindi, handa ba tayong manindigan sa panawagan niyang patuloy siyang piliin—sa katotohanan, kabutihan at pagmamahal? Sana po lubos natin siyang matanggap upang ganap siyang maging Diyos ng ating buhay. Amen.