Daughters of Saint Paul

PEBRERO 20, 2022 – IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Isang puspos ng pananampalatayang araw mga kapatid kay Kristo. Nasa ikapitong Linggo na tayo ng Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga biyayang ating natanggap lalo na sa patuloy na paggabay at pag-iingat. Ito po muli si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Ihanda natin ang ating sarili sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas , kabanata anim, talata dalawampu’t pito.  Hanggang tatlumput walo. 

EBANGHELYO: Lk 6:27-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin n’yo ang inyong mga kaaway, gawan n’yo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin n’yo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin n’yo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging mga anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag n’yong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

PAGNINILAY

Ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa atin ng walang kondisyon. Nais din ni Jesus na ibahagi natin ang katulad nitong pagmamahal. Ngayong panahon ng pandemya, nagkaroon tayo ng maraming pagkakataong ibahagi ang anumang kabutihang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Isa sa mga nakilala kong volunteer para sa isang feeding program si Rolly. Bawat araw ng Biyernes nagluluto siya ng pagkain, binabalot ito at ipinamamahagi ng kanyang grupo sa ibat’-ibang mga parokya.  Simpleng paraan ng pag-aalala sa mga kapatid nating nangangailangan. Sabi nga ni Mother Teresa, “ Kahit hindi man tayo makapagpakain sa maraming tao, kahit isang nagugutom na mabigyan, “you’re able to make a difference.” ( Oo, kapatid, kahit sa simpleng paraan meron ka ring may maiambag.) Hindi natin sinusukat ang kabutihan sa laki o dami nito- Mahalagang isinasagawa ito na bukal sa kalooban.