Daughters of Saint Paul

PEBRERO 24, 2022 – HUWEBES SA IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Nagbibigay sa atin ng lakas at gabay ang Salita ng Diyos! Isang maligayang araw ng Huwebes mga kapatid kay Kristo! Pasalamatan natin ang Dios sa Kanyang tapat na pag-ibig sa tanan ! Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda natin ang ating puso at isip sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ngayon.

EBANGHELYO: Mk 9:41-50

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may magpainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo hindi siya mananatiling walang gantimpala. “Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa mga maliliit na ito, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon siya sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg. “Kung kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno nang may dalawang kamay. At kung ang paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno nang may dalawang paa. At kung ang mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo ang pumasok sa Kaharian ng Diyos nang may isang mata kaysa matapon sa impiyerno nang may dalawang mata, kung saan walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan ang apoy. Buburuhin nga ang apoy ang lahat. Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, paano n’yo ito mapapaalat uli? Magkaroon kayo ng asin sa inyong sarili at mabuhay sa kapayapaan sa isa’t-isa.”

PAGNINILAY

Ilan sa mga salita at pagsasalarawang ginamit ni Hesus sa ating Ebanghelyo nagayon ay nakakabahala. Nais ni Hesus na pag-isipang mabuti at ang mga desisyon natin sa buhay. Sapagkat ang tanging hangad niya para sa atin ay makamit ang buhay na siya rin naman ang nagkamit para sa atin—ang buhay na walang hanggan na kapiling siya. Tanungin natin ating sarili: Ang aking pag-iral at pagkilos ba ay may kinalaman lamang sa kung ano ang mabuti para sa akin o ako ba ay may pakialam sa mga tao sa aking paligid?Madalas hindi tama o Mabuti ang ating pinipili. Gayunpaman, sana huwag tayong duwag na bumangon at manindigan muli upang tuluyang magtagumpay sa ating pamumuhay ang kalooban ng Diyos. Manalangin Tayo: Panginoon, buksan mo ang aking mga mata upang maunawaan ko ng “lubusan” ang iyong kalooban. Tulungan mo akong lumaban sa tukso upang maganap ko ang Mabuti at nararapat.At kung ako ma’y nasadlak tulungan mo nawa akong makabangon at ipamalas mo sa akin ang dakila mong awa’t habag. Amen.