Daughters of Saint Paul

PEBRERO 25, 2022 – BIYERNES SA IKAPITONG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Isang maligayang araw ng Biyernes mga kapanalig! Kadalawampu’t lima ngayon ng Pebrero. Ginugunita ng sambayanang Filipino ang Ikatatlumpu’t anim  na anibersaryo ng EDSA 1 People Power Revolution 1986. Patuloy nating ipagdasal ang ating bansang Pilipinas. Ipagdasal natin na ang ating papalapit na pambansa at panglokal na halalan nawa’y maghari ang kalooban ng Diyos, na Siyang gumagabay sa lahat ng bansa. Ito po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag aanyaya sa inyo na ihanda ang ating puso at isip sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Markos kabanata sampu, talata isa hanggang labindalawa.  

 

EBANGHELYO: Mc 10:1-12

Nagpunta si Jesus sa probinsiya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula’y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magigigng iisang katawan ang dalawa. Kung gayo’y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya.

PAGNINILAY

Ibinahagi sa atin ni Sr. Rose Agtarap  ang pagninilay natin sa Ebanghelyo. Kapatid, sang-ayon ka ba sa divorce? Isa ito sa mga maiinit na issue na hanggang sa ngayon ay pinagdedebatehan. Tinanong din ng mga Pariseo si Jesus tungkol dito, at malinaw ang sagot niya: “Iiwanan ng lalaki ang tatay at nanay niya para maging isa sila ng asawa niya. At ang dalawa ay magiging isa, kaya di na sila dalawa kundi iisa na sila. Ang pinagsama ng Diyos ay hindi pwedeng paghiwalayin ng kahit na sino.” Natutuwa ako kapag nakakakita ako ng mag-asawa na may edad na pero sweet pa din sila sa isa’t isa. Katunayan, nagdiwang ang mga magulang ko ng ika-50 taong anibersaryo ng kanilang kasal at marami ang nagtanong kung ano ang sikreto nila. Hindi ko na matandaan ang eksaktong sagot nila, pero hindi ito nalalayo sa sinabi ni Pope Francis sa Amoris Laetitia #126: “Mararanasan ng mag-asawa ang kagalakan kahit sa gitna ng kalungkutan. Kasama dito ang pagtanggap na ang pag-aasawa ay pinaghalong kasiyahan at pakikibaka, tensyon at pahinga, sakit at ginhawa, kasiyahan at pananabik, inis at kasiyahan, ngunit nananatili ang pagkakaibigan, na nagbibigay inspirasyon sa mga mag-asawa na alagaan at mahalin ang isa’t isa.” Ang huling labanan daw sa pagitan ng Panginoon at ng paghahari ni Satanas ay tungkol sa kasal at ang pamilya, ayon kay Sr. Lucia, isa sa visionaries ng Fatima. Huwag daw tayong matakot… dahil ang sinumang nagsisikap para sa kabanalan ng kasal at ng pamilya ay palaging tutulan at kakalabanin sa lahat ng paraan. Gayunpaman, dinurog na ng ating Mahal na Birhen ang ulo ng ulupong.” Kaya, kapit lang, mga kapatid!