Daughters of Saint Paul

MARSO 5, 2022 – SABADO KASUNOD NG MIYERKULES NG ABO

Maligayang araw ng Sabado  mga Kapanalig! Ngayong Kuwaresma, patuloy tayong magpasalamat sa Diyos sa lakas-ispiritwal na inihahandog Niya sa atin.    Bubusugin na naman tayo ng ating Mahal na Hesus Maestro ng Kanyang Mabuting Balita.  Pagkain ito na hindi lumilipas. Ginampanan ito ni San Juan Jose Calosinto na ginugunita natin ngayon. Pinakain niya ng salita ng Diyos ang mga mahihirap. Si Sr. Gemma Ria po ito, ang inyong kapanalig, kabilang sa Daughters of St. Paul. Ihanda na natin ang ating buong pagkatao sa pakikinig sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata lima, talata dalawamput pito hanggang tatlumpu’t dalawa. 

EBANGHELYO: LUCAS 5:27-32

Nakita ni Hesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo sa kanila ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito’y pabulong na nagreklamo sa mga alagad ni Hesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sumagot naman si Hesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.  

PAGNINILAY:

Marami sa ating mga kababayan ang natatakot pumunta o kumonsulta sa mga doktor dahil na rin sa iba’t ibang mga kadahilanan. Minsan dala ng kahirapan, ang iba naman nangangamba na malaman o ayaw marinig ang nakakatakot na katotohanan. Mala- teleserye pa nga ang tagpo ng iba na ayaw magpatingin sa mahabang panahon tapos ma-da-diagnose na malubha na pala ang sakit nila at wala nang lunas. Pero, tandaan, hindi teleserye ang buhay. Hindi lang ito napapanood kundi tunay na nagaganap. Walang dapat ikatakot sa pagkonsulta sa ating mga manggagamot. Tungkulin nating pangalagaan ang ating mga sarili, di ba? Tungkulin rin ng mga doktor na tulungan at gabayan tayo para sa ating ikabubuti. Dahil sa pandemya, kitang-kita natin ang napakalaking tulong at serbisyo na ginagawa ng ating mga manggagamot kasama ang mga nurses at health care workers. Masasabi nating, bayani rin sila ng ating bayan at ng buhay. Hindi matatawaran ang kanilang ginagawang pagsasakripisyo sa ngalan ng tapat na paglilingkod para sa mga may karamdaman, lalo na sa mga nagkasakit ng Covid. Si Hesus ang dakilang manggagamot ng ating buhay. Higit pa sa kahit na anong karamdaman ang kanyang pinagagaling sa atin. Siya na mismo ang lumalapit sa atin dala ang kapatawaran mula sa ating mga kasalanan.  Sa panahong ito ng kuwaresma, muling ipinapa-alala sa atin na kumonsulta sa ating Dakilang Manggagamot. Lumapit tayo at magbalik-loob sa Diyos habang may panahon pa. Huwag na nating hintayin na malubha na pala at huli na ang lahat.