Daughters of Saint Paul

MARSO 11, 2022 – BIYERNES NG UNANG LINGGO NG KUWARESMA

Isang pagbati ng may kayapaan sa kalooban,  mga kapanalig. Biyernes na ng Unang Linggo ng Kuwaresma. Punuin natin ng pagmamahal ang ating paligid.  May Good News ang Mahal nating Hesus Maestro. Ang biyaya ng paghahangad natin na makipagkasundo. Makipg-ayos.  Ito ang inyong kapanalig, Sr Gemma Ria ng Daughters of St. Paul. Parangalan na natin ang  Mabuting Balita  na ayon kay San Mateo sa ikalimang kabanata, talata dalawampu hanggang dalawampu’t anim. 

EBANGHELYO: MATEO 5: 20- 26

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.’ Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos. Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulis na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”    

PAGNINILAY

Walang ibang gusto ang mga magulang para sa kanilang mga anak kundi ang magkasundo sila at magmahalan bilang magkakapatid, di ba?  Ito rin ang hangad ng Diyos para sa atin na Kanyang mga anak.  Hangad Niyang mamuhay tayo sa pagmamahal at laging magpatawaran.  Higit pa ito sa donasyon na itinutulong natin sa simbahan. Higit pa sa ating pagsisimba, pagdarasal, pagnonobena at pagrorosaryo ang magpatawad at humingi ng tawad.  May effort ito at dala ang sakripisyo na mas higit na kalugod-lugod sa Diyos.  Ito ang sukatan ng tunay na kabanalan!  Siguro sasabihin nyo, napakahirap naman ng ipinapagawa sa atin ng Diyos. Nasaktan ka na, ikaw pa ang magpapatawad? Kadalasan, gusto nating makaganti.  Gustong-gusto nating iparanas sa kanya ang sakit na dinanas natin.  Minsan pa nga sa sobrang galit natin naghahangad tayo na may mangyaring masama sa taong ibinibilang na nating kaaway.  Mga kapanalig, tunay na hindi natin kayang magpatawad at humingi ng tawad kung aasa lang tayo sa’ting sariling kakayahan.  Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu upang magawa natin ito. 

PANALANGIN

Panginoon, kasihan Mo po ako ng Iyong Banal na Espiritu nang matuto akong magpatawad at humingi ng tawad sa mga taong nagkasala sa akin.  Pawiin Mo po ang poot at galit na umaalipin pa sa aking puso at isip, at hilumin ang sugat ng nakaraan, Amen.