Daughters of Saint Paul

MARCH 14, 2022 – LUNES SA IKAANIM NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

Isang mabiyayang araw, mga kapanalig! Purihin natin ang Diyos! Maging mahabagin, mapagpatawad, malawak ang pang-unawa, at magbigay na hindi sinusukat.   Ito ang diwa ngayong Kuwaresma sa tulong ng habag at biyaya ng ating Diyos Ama. Ito po ang inyong kapanalig/ kapatid, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul. Kalakbay ninyo sa araw-araw na pagninilay ng Mabuting Balita.  Pakinggan natin ito ayon kay San Lukas sa ika-anim na kabanata, talata tatlumpu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.  

EBANGHELYO: LUCAS 6: 36-38

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan -isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

PAGNINILAY

Aminin na po natin, madali naman ang pumintas ng tao. Kung minsan pa nga, hindi lang para manira, kundi libangin lamang ang ating usapan. Sa ating Ebanghelyo, sinasabi sa atin na tumigil sa panghuhusga. “Stop judging and you will not be judged. Stop condemning and you will not be condemned. Tumigil ang kanyang panawagan, hindi umiwas. Bakit? Sapagkat kung paano tayo humusga sa ngayon, gayun din ang panghusga sa atin. Kung tayo’y nanghusga nang may galit at lupit, hindi natin alam baka galit at lupit din ang panghuhusga sa atin. Si Mother Teresa po ay minsang tinanong tungkol dito ani niya: Hindi ko alam kung ano nga ba ang eksaktong hitsura ng langit. Pero alam ko na kapag tayo’y mamamatay, huhusgahan tayo ng Diyos. Hindi niya siguro tayo tatanungin kung ilang mabubuting bagay ang ating nagawa. Ang tanong niya marahil ay, bukal ba sa puso, may pag-ibig ba ang ginawa mong Mabuti?

Mga kapanalig, kumapit po tayo sa grasya ng Diyos upang mapalitan natin ang husga ng awa, yung pagreklamo natin ng pasasalamat, at yung takot natin ay mapalitan ng pagmamahal. Sapagkat kung kasalanan at lupit ang gagamitin ng Diyos na panghusga sa atin, sino ba ang makakatawid sa langit? Tularan nawa natin ang kanyang pagkamaawain, kahit mahirap, ating kayanin. Amen.