Daughters of Saint Paul

MARSO 16, 2022 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

Magandang Buhay, mga minamahal kong kapanalig! ( kapatid at texters! )  Purihin natin ang natatanging Diyos na ibinaba ang sarili kapantay natin. Sa sarili tumalikod, at sa atin naglingkod. Kay Gandang Balita. Ito po ang inyong kapanalig, si Sr Gemma Ria ng Daughters of St. Paul.  Busugin na natin ang ating puso ng Mabuting Balita   ayon kay San Mateo kabanata dalawampu, talata labimpito hanggang dalawampu’t walo.

EBANGHELYO: MATEO 20: 17-28

Nang umakyat si Hesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa. At habang nasa daan ay sinabi n’ya sa kanila, “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanyang kamatayan. Kaya ibibigay nila s’ya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin at ipako sa krus; ngunit babangon s’ya sa ikatlong araw.” Lumapit noon kay Hesus ang ina nina Jaime at Juan, kasama ang dalawa niyang anak at lumuhod sa harap n’ya para makiusap. Tinanong s’ya ni Hesus, “Ano ang ibig mo?” “Narito ang dalawa kong anak, iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong kaharian.” “Hindi n’yo alam ang inyong hinihingi, maiinom n’yo ba ang kalis na iinumin ko?” “Kaya namin.”  “Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Hesus at sinabi, “Alam n’yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi ganito sa inyo. Ang may gustong maging dakila, s’ya ang maging lingkod n’yo. Ang may gustong mauna sa inyo, s’ya ang maging alipin n’yo. Gayundin naman dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”  

PAGNINILAY

Kapanalig, minsan pang ibinunyag ng Panginoon sa Kanyang mga alagad kung ano ang naghihintay sa kanila sa Jerusalem:  ang Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay, para tubusin tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan.  Sa kasamaang palad, hindi naunawaan ng mga alagad ang mga pananalita ni Jesus na hitik sa kahulugan.  Abala sa paghahangad ng mataas na posisyon sina Jaime at Juan sa kahariang pulitikal na inaakala nilang itatatag ni Jesus. Nagalit naman ang iba sa kanila, malamang dahil sa inggit.  Sa tagpong ito, inilarawan sa kanila ng Panginoon ang tunay na namumunong-lingkod o servant leader.  Ang Anak ng Tao na naparito upang maglingkod hindi upang paglingkuran.  Mga kapanalig, anumang tungkulin o paglilingkod ang ginagampanan natin sa ngayon, inaanyayahan tayo ng Panginoong tularan Siya sa pagiging servant leader.  Isang pinunong hindi naghahari-harian at pinagsisilbihan, sa halip naglilingkod nang may pagmamahal at kababaang-loob at hindi naghihintay ng kapalit.