Daughters of Saint Paul

MARSO 25, 2022 – ANG PAGPAPAHAYAG NG MAGANDANG BALITA TUNGKOL SA PANGINOON

Fiesta na naman! Kapistahan ng  Pagpapahayag ng Magandang Balita Tungkol sa Panginoon. Nagdiriwang ang buong Simbahan dahil ito ang araw na tumalima ang pinagpalang dilag na maging Ina ng ating Tagapagligtas. Sa diwa ng ating Mahal na Ina, nalulugod po ako na nagkakaisa tayo ngayon sa pagbibigay-parangal sa Salita ng Diyos. Si Sr. Gemma Ria po ito. Kabilang sa mga consecrated Sisters ng     Daughters of St. Paul na muling naghahatid sa inyo ng Mabuting Balita  ayon kay san Lukas Kabanata isa, talata dalawamput anim  hanggang tatlumput walo. 

EBANGHELYO: LUCAS 1:26-38

Nang ikaanim na buwan, ang Anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sa isang birhen naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose at ang pangalan ng birhen ay Maria, pag pasok niya sa kinaroroonan ng babae ay sinabi niya. “Aba, puspos ka ng biyaya, Ang Panginoon ay sumasaiyo.”  Sa mga pangungusap na ito si Maria ay nagitla. At pinag dili dili ang kahulugan ng gayong bati. Dapatwa’t sinabi sa kanyan ng Anghel: “Huwag kang matakot Maria, sapagkat nagging kalugod lugod ka sa mata ng Diyos. Tingni maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Hesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang Ama. At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman; At walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa anghel “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya ang ipapanganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag anak mong si Isabel ay nag lihi ng isang lalaki, sa kanyang katandaan at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na niya, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari. “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

PAGNINILAY

Kasama sa ating pagiging tao ang paghahanap ng kapanatagan at kasiguraduhan sa buhay. Hindi natin maikakaila na minsan, labis natin itong pinagtutuunan ng pansin. Health supplement dito, life insurance doon, at kung ano-ano pa dahil gusto natin, sure tayo lagi sa ating kinabukasan. Dapat, sure na matutupad ang pangarap natin para sa ating buhay. Marahil si Maria, sure na din sa kanyang personal na pangarap at malamang, inihahanda na niya ang kanyang sarili para sa buhay pag-aasawa. Ngunit iba pala ang pangarap ng Diyos para sa kanya. Siya pala ay hindi lamang basta-basta magiging maybahay at ina; bagkus siya pala ang pinangarap ng Diyos na maging kanyang ina. Sa halip na panghinayangan ni Maria ang kanyang mga pangarap, buong tiwala niyang niyakap ang pangarap ng Diyos dahil Siya na mismo ang kanyang magiging kasiguraduhan at kapanatagan. Ang kanyang mga pangarap ay naging ganap dahil buong puso siyang nakibahagi sa pangarap ng Diyos para sa kanya. Ngayong panahon ng pandemya, napakadaling mawalan ng kapanatagan dahil sa mga pangarap na hindi natupad o hindi man lamang nayapos. Kailangan natin ang gabay ni Inang Maria upang tayo’y laging maging bukas sa mga surpresa ng Diyos sa atin. Nawa’y sa ating pangangarap at pagsusumikap, mabanaag din nating nagaganap ang mga pangarap ng Diyos para sa atin. Kasama si Maria, atin nawang ipanalangin: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong pangarap, Panginoon.” Amen.