Daughters of Saint Paul

MARSO 27, 2022 – IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

Isang puspos ng pananampalatayang araw mga kapanalig! Nasa Ikalimang Linggo na tayo ng Kuwaresma.  Pasalamatan natin ang Diyos sa walang –hangang pagpapatawad Niya sa ating paulit-ulit na pagkakasala. Kung paano tayo pinapatawad ng Diyos sa ating pagkakasala , tayo rin kailangan magpatawad sa mga nagkasala sa atin.  Si Sr Gemma Ria po ito na kabilang sa mga Daughters of St. Paul. Buksan na natin ang ating puso at salbungin ang Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata walo, talata isa hanggang labing-isa. 

EBANGHELYO: LUCAS 15:1-3,11-32

Lumapit kay Hesus ang lahat ng kolektor ng buwis at mga makasalanan para makinig. Kaya nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga guro ng Batas, “Tinatanggap n’ya ang mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya sinabi ni Hesus ang talinhagang ito sa kanila: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay n’yo na sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang mga ari-arian. Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon n’ya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ‘yon at nagsimula siyang maghikahos. Kaya’t pumunta s’ya at namasukan sa isang taga-roon at inutusan s’yang mag-alaga ng mga baboy sa bukid nito. At gusto sana n’yang punuin kahit na ng kaning baboy ang kanyang tiyan pero wala namang magbigay sa kanya. Noon s’ya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo. Hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo, ituring mo na akong isa sa iyong mga arawan.’ Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama.  Malayo pa s’ya ng matanaw ng kanyang ama at naawa ito. Patakbo nitong sinalubong ang anak, niyakap at hinalikan. Sinabi sa kanya ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa harap mo, hindi na ako karapat-dapat pang tawaging anak mo.’ Pero sinabi ng ama sa kanyang mga utusan: ‘Madali, dalhin n’yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya. Suotan nyo ng singsing ang kanyang daliri at ng sapatos ang kanyang mga paa. Dalhin at katayin ang pinatabang guya. Kumain tayo at magsaya sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang. Nasa bukid noon ang panganay na anak. Nang pauwi na s’ya at malapit na sa bahay, narinig n’ya ang tugtugan at sayawan. Tinawag n’ya ang isa sa mga utusan at tinanong sa kanya. ‘Nagbalik ang kapatid mo kaya ipinapatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil nabawi n’ya s’yang buhay at di naano.’ Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at nakiusap sa kanya. Datapuwat sumagot sa kanyang ama, ‘Ilang taon na akong naglilingkod sa ‘yo na di lumalabang sa iyong mga utos at kailan man ay hindi mo ako binigyan ng kahit na isang maliit na kambing na ipagkakatuwa namin ng aking mga kaibigan. Datapuwa’t ng dumating ang anak mong ito na naglustay ng iyong kayamanan sa masasamang babae, pinatay mo ang pinatabang baka.’ Ngunit sinabi sa kanya ng ama, ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya tayo dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.’”

PAGNINILAY

Kahanga-hanga ang ginawang paghingi ng tawad ng bunsong anak. Oo, malaki ang naging kasalanan niya. Maaga niyang kinuha ang mana at nilustay hanggang sa wala nang natira sa bulsa niya. Pero, hindi niya inistima ang pagmamataas.  May tatlong kumikinang na susi ang nakapagtulak sa bunso para humingi ng tawad. Ano yon? Una, nang mapag-isip-isip niya ang malaking kawalan ang mapawalay sa ama.   Ikalawa, ang desisyon na bumalik sa ama. Ikatlo, ang humingi ng tawad mula sa ama. Ito ang paanyaya sa atin ngayong Kuwaresma na umuulan ng grasya para makapagsisi tayo sa nagawa nating mali. Sa biyayang ito, tangkilikin natin ang oras na tinanggap natin na nagkamali tayo… na nagkasala tayo. Sa mabiyayang sandali nang pagsisisi, doon tayo magdesisyon na iwanan natin ang salá nating ginagawa. At humingi ng tawad sa Diyos. Tumanggap ng Sakramento ng Pakikipagkasundo. Kung possible nang mangumpisal, malaya sa loob na lumapit sa pari. Sa oras na masilip ng Diyos ang pagbabagong-loob natin, o sinisimulan pa lang nating bigkasin ang “Oh my God, I am heartily sorry.” Maalab na Niya tayong yayakapin sa pagpapatawad.