Daughters of Saint Paul

ABRIL 5, 2022 – MARTES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

Ebanghelyo: Juan 8, 21 – 30

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n’yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon?’ Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo’y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n’yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n’yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Jesus, marami ang naniwala sa kanya.

Pagninilay:

Kayo’y taga-ibaba, ako’y taga-itaas. Taga saan ka? Maliban sa pagtatanong ng pangalan, ito ang madalas nating naitatanong sa bawat bagong tao o kakilala na ating nakatatagpo. Taga saan ka? Ah, taga Cavite ka pala. Kapampangan – ah magaling ka magluto, Ilokano – matipid, Ilonggo – malambing. Naku, taga-Tondo ka, dapat matapang ka. Taga Makati ka pala, eh di mayaman ka. Ilan lamang iyan sa mga stereotype ng mga tao. May mga tumutugma, may mga lumalabis din at nakasasama. Madalas, sinusubukan nating unawain ang isang tao batay na din sa lugar na kanyang pinagmulan. Inaalala rin natin ang kanyang pinanggalingang kultura o mga nakagawian batay sa kanyang kinagisnan sapagkat nakakaapekto ito sa kanyang paghuhubog at paglago bilang tao. Karaniwan, masasabing malaking bahagi ng ating pagkatao ay mababakas kung saan tayo nagmula. Bagama’t minsan hindi magandang bagay ang nasasabi ng mga stereo-type, dapat maalala na hindi lahat laging mai-uugnay sa pinanggalingan o pinagmulan. Pwede itong mabago kung maglalaan ng panahon at pagsasanay ng sarili upang maitama at mailagay sa mabuti. Ganito rin ang hamon ni Hesus sa atin sa Ebanghelyo. Dapat nating unawain kung saan siya o kanino siya nagmula. Siya ay mula sa Ama. Taga-Itaas siya. Winika ni Hesus sa kanyang mga kausap na sila ay taga-Ibaba. Magkaiba ang kinagisnan at pinanggalingan. Ngunit hindi natatapos si Hesus sa pagsasabi na magkaiba tayo. Nag-aanyaya siya na mapabilang tayo sa pagiging taga-Itaas. Inaanyayahan niya tayo na sumama sa kanyang pinagmulan, sa kanya tungo sa Ama. Mga kapatid, sa ating patuloy na pagninilay sa panahon ng Kuwaresma, ipinapaalala ng Panginoon na nasa ating mga kamay ang desisyon kung nais nating manatiling taga-ibaba, o sumama kay Hesus at maging kabahagi ng mga taga-Itaas, sa paghahari ng isang mapagmahal at bukas na pamilya ng Diyos.