Nasubukan mo na ba kung gaanong makapangyarihan ang panalangin lalo na sa oras ng pag-uusig? Maligayang araw ng Sabado sa ikalimang Linggo ng Kwaresma. Ipinagdiriwang natin ngayon ang National Hero’s Day! Bilang isang mamamayang Pilipino , Gising na ba sa iyong puso ang mag-alay ng sarili? . Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. Sama-sama nating salubungin ang Mabuting Balita na magbibigay sa atin ng gabay sa araw na ito.
Ebanghelyo: Juan 11, 45 – 56
Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba’ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n’yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng Diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Jesus sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad. Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. Kaya hinahanap nila si Jesus at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?” Ibinilin ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo na kung may makaalam kung nasaan s’ya ay magsuplong upang maipadakip s’ya.
Pagninilay:
Sa araw na ito, dito sa ating bayan, ginugunita natin ang araw ng kagitingan. Ang araw ding ito ang huling araw bago tayo pumasok sa mga Mahal na Araw. Sa makatuwid, bukas ay Linggo ng Palaspas. Hindi nagkataon lamang ang pagtutugma ng mga araw na ito. Dalawang aral ang aking nakuha mula sa dalawang ito. Una, buhay na buhay ang ala-ala ng kasaysayan at ang paanyaya na laging gunitain ang kagitingan ng ating mga bayani ng digmaan. Makikita ang kanilang mga pangalang nakaukit sa dambana ng pag-alala sa Capas, Tarlac. Lagi kong naaalala ang aking Lolo na isang beterano ng digmaan. Naaalala ko ang kwento ng kanilang kabayanihan. Sila na nag-alay ng buhay para sa ating mga bayan, para sa ating kalayaan. Minabuti nilang sila na lamang ang magsakripisyo upang hindi madamay ang buong bayan. Sila ang sumuong sa panganib ng pakikidigma upang ang kanilang mga mahal sa buhay ay manatiling malaya at payapa. Ikalawa, maririnig sa Ebanghelyo sa araw na ito ang Dakilang Sakripisyo na gagawin ni Hesus upang mailigtas ang buong bayan. Marahil hindi nauunawan ni Caiafas ang kanyang winika, ngunit masasabi nating totoo na ang pagsasakripisyo ni Hesus sa Krus ang siyang naging tanda ng kaligtasan ng lahat ng Anak ng Diyos. Sa kanyang pag-aalay ng sarili, nabigyan niya ng kalayaan ang bawat isa mula sa tanikala ng kasalanan. Binigyan ang lahat ng bagong buhay at pag-asa ng pag-aalay ni Hesus.
Bagama’t magkaiba ang konteksto ng pag-aalay ng buhay ng mga nasa digmaan at sa pag-aalay ni Hesus, makikita ang isang ugnayan na kaya nila ito isasagawa – si Hesus para sa mga anak ng Diyos at ang mga beterano at sundalo para sa pamilya at bayan – ay para sa ikabubuti ng higit na nakararami, hindi lang dahil marami sila, bagkus dahil para ito sa pamilya, dahil anak sila, dahil magulang sila. Higit sa lahat dahil nagmamahal sila. Pagmamahal ang ugat ng pag-aalay at pagsasakripisyo. Ito ang ipinaaalala sa atin ng Sabado bago magsimula ang mga Mahal na Araw. Ito rin ang ipinapaalala ng dambana ng mga sundalong nagbuwis ng buhay noong ikalawang digmaang pandaigdig. Alalahanin natin ang kanilang sakripisyo na bunga ng dalisay at tapat na pagmamahal sa Diyos at sa bayan.