Daughters of Saint Paul

ABRIL 26, 2022 – MARTES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Mapagpalang araw ng Martes mga minamahal kong kapatid kay Kristo! Mga kapanalig! Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.Mahalagang bigyan natin ng puwang ang Banal na Espiritu sa ating mahalagang pagdedesisyon. Ipanalangin natin ang ating nalalapit ng national & local elections.  Salubungin natin na may galak ang Salita ng Diyos na gumagabay sa atin araw-araw sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 3: 7b – 15

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, subalit hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.” “Paano pupuwede ang mga ito?” “Nicodemo, guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao. Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”

Pagninilay: Natatangi ang katauhan ni Nicodemo sa ating pagbasa sa araw na ito. Maaalala na gabi na siya halos nagtungo kay Hesus upang makausap ito upang walang makakita sa kanyang mga kasama niyang guro ng Israel o mga kapwa Pariseo. Natatakot siya na itiwalag ng kanyang mga kasama at maparatangang isa na ring kaaway. Natatakot siya ngunit sinusubukan niya na makinig kay Hesus. Bukas ang isip at puso ni Nicodemo sa mensahe ni Hesus, bagaman’t nahihirapan pa siya marahil na ituwid o iwasto ang kanyang mga napag-aralan bilang Pariseo. Sa kanyang pakikipag-usap kay Hesus nakabakas ng liwanag si Nicodemo bagamat may kaunti pa siyang kalituhan. Makikita sa mga susunod na bahagi ng ebanghelyo ni Juan na magsasalita na si Nicodemo sa kanyang mga kasama para kay Hesus. Siya ang isa sa mga unang pariseo na magsasabi na kailangan ng isang patas na pagdinig sa paglilitis kay Hesus. Makikita rin si Nicodemo na katuwang ni Jose ng Arimates sa paglilibing kay Hesus. Ito ang mga munting sinag ng liwanag sa buhay ni Nicodemo na sumasalamin sa liwanag na kanyang nakuha mula sa kanilang pag-uusap ni Hesus. Sa ating buhay pananampalataya, inaanyayahan tayong makita ang mga munting karanasan ng liwanag kung saan ating naririnig, nakikita o nararanasan ang tinig ng Diyos, ang tinig ni Hesus na sa ati’y nangungusap. Bagama’t tulad ni Nicodemo na minsan mayroon pang kalabuan, huwag nawa tayong mawalan ng pag-asa. Huwag nawa tayong matakot sa sasabihin ng mga kapit-bahay o kasamahan natin. Alam natin kung kanino tayo dapat makinig. Alam natin kung kanino tayo susunod: Kay Hesus lamang, wala nang iba.