Daughters of Saint Paul

ABRIL 27, 2022 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Maligayang araw ng Miyerkules mga minamahal naming kapatid kapanalig! Purihin ang mapagmahal nating Diyos sa biyayang masilayan muli ang kagandahang ng bagong araw. Pasalamatan natin ang Diyos ng pag-ibig na nag-alay ng Kanyang Bugtong na Anak para sa ating kaligtasan at patuloy na gumagabay sa ating Inang Bayang Pilipinas. Ipanalangin natin na ang Prinsipe ng Kapayapaan ang maghari sa lahat ng mga bansa at sa ating mga puso. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda natin an gating puso at diwa sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 3: 16-21

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang naniniwala sa kanya; magkakaroon nga siya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa kanya. Ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala, sapagkat hindi siya naniniwala sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang hahatulan: dumating sa mundo ang liwanag subalit higit pang minamahal ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay nang masama at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang mga gawa.”

Pagninilay:

Ang Ebanghelyong narinig natin ay pagpapahayag ng dakilang pag-ibig ng Diyos Ama sa atin.  Di Niya ipinagkait ang bugtong at pinakamamahal na Anak, alang-alang sa kaligtasan ng sanlibutan.  Kung uunawain natin ito sa takbo ng pag-iisip ng tao, masasabing kabaliwan ang ginawang ito ng Diyos.  Sino nga ba namang matinong ama ang ipapahamak ang buhay ng kanyang minamahal na anak, para lang sa ikabubuti ng iba?  Pero, tunay na naiiba ang paraan ng Diyos kesa sa atin.  Isinugo Niya ang Kanyang Anak kahit alam Niyang mapapahamak Siya sa mundo.  At nang mamatay ang Kanyang Anak, binigyan pa rin Niya ng isang pagkakataon ang sanlibutan.   Binuhay Niya ang Kanyang Anak, upang kung sino man ang maniniwala sa Kanya ay magkakamit ng kaligtasan.  Mga kapatid, alam kong marami sa atin ang nananalig sa misteryong ito.  Pero bakit marami pa rin magpahanggang ngayon ang patuloy na namumuhay sa kasalanan, at patuloy na nagwawalang bahala sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus?  Bakit marami sa atin na pilit na ibinabalik ang kasamaan at kamatayan sa makabagong paraan, gayong iniligtas na tayo ng ating Diyos Ama?  Isang konkretong halimbawa ang maling paggamit ng Social Media at mga Social Networking sites.  Ilang pamilya na ba ang nawasak dahil sa maling pakikipagrelasyon gamit ang internet?  Ilang tao ang nasira ang reputasyon dahil sa cyber-bullying? Ilan ang nabiktima ng fake news, false stories at disinformation na may layuning impluwensiyahan ang pag-iisip ng tao, pagtakpan ang katotohanan at manirang-puri.  Hindi kaila sa atin na maraming bayarang troll farms na naghahasik ng virus ng kasinungalingan lalo na ngayong nalalapit na ang election. Mga kapatid, pababayaan na lang ba nating mawalang bisa sa ating buhay ang kaligtasang dulot ng Panginoong Hesus sa atin?  Humingi tayo ng tawad sa Panginoon sa maraming pagkakataong binalewala natin ang Kanyang dakilang pagmamahal at mas pinipili nating manatili sa kadiliman ng kasalanan.