Daughters of Saint Paul

ABRIL 28, 2022 – HUWEBES SA IKALAWANG LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY

Mapagpalayang araw ng Huwebes mga kapatid! Mga kapanalig! Dakilain natin ang Diyos sa Kanyang pag-ibig sa atin na walang hanggan. Nakapagdudulot ng kakaibang kaligayahan kung kausap mo ang taong mahalaga sa buhay mo, lalo’t gusto mo pang mapalapit sa kanya. Marahil ito ang karanasan ni Nicodemo sa pakikipag-usap kay Jesus. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan ang puso at diwa sa Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Juan 3: 31-36

Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo. Pinagtitibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos. Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya. May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”

Pagninilay:

Upang masabing credible at totoo ang impormasyong sinasabi mo; sa hukuman kinakailangan ng testimony ng isangwitness. Kung wala nito, masasabing tila isangkathang-isip o bula lamang ang pahayag mo. Sa kabilang banda naman, ang masaklap, kahit na may testigo kana at totoo ang sinasabi, hindi parin tanggap ng kabilang panig sapagkat para sa kanila sila lamang ang may hawak ng katotohanan. Sarado ang kanilang pag-iisip at pang-unawa. Sa Ebanghelyo, si Hesus ang patotoo, ang testigo ng Diyos. Kapag tinatanggap mo si Hesus, ito’y patunay na ang Diyos ay mapapagkatiwalaan. Samakatuwid ang sinumang naniniwala kay Hesus ay dapat mamuhay sa katotohanan at tupdin ang kautusan ng Diyos. Ito’y upang masabi nating tayo’y mga buhay na patotoo para sa Diyos at sa kanyang dakilang pagmamahal at pagkalinga sa atin. Bilang mga Kristiyano, upang maging credible na patotoo tayo sa Diyos, hinihimok tayo ngayon ng Panginoong Hesus na umiral tayosa tama at wasto at huwag hayaang maghari sa atin ang salungat na pamumuhay.  Magkagayon, mapapasa-atin ang walang hanggang-buhay. Ngunit, kapag nagmatigas tayo at nagpatuloy naumiral ng salungat na pamumuhay mararanasan natin ang negatibong epekto – ang malayo sa grasya ng Diyos.