Daughters of Saint Paul

HULYO 3, 2023 – LUNES NG IKA 13-LINGGO SA KARANIWANG PANAHON – Kapistahan ni Santo Tomas, apostol                 

BAGONG UMAGA

Isang masigla at puno ng pagpapalang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Ikatlo ngayon ng Hulyo, Kapistahan ni Santo Tomas, apostol.  Tinatawag din siyang Didymus o kambal, at kilala bilang “doubting Thomas” dahil sa kanyang pag-alinlangan sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.  (Ayon sa tradisyon siya lamang ang apostol na nakapaglakbay sa labas ng emperyo Romano. Nakarating sa Kerala, India noong 52 AD, kung saan nagtatag siya ng pitong Simbahan.)  Palasamatan natin ang Diyos kay Santo Tomas Apostol, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating dagdagan pa ang ating pananampalataya.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagdududa ni Tomas ayon kay San Juan kabanata dalawampu, talata dalawampu’t apat hanggang dalawampu’t siyam.

EBANGHELYO: Jn 20:24-29

Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Hesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Hesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko, ikaw!” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  “To see is to believe!” marahil ang motto ni Santo Tomas, apostol, na ang Kapistahan ipinagdiriwang natin sa araw na ito. Mapagduda at kulang sa pananampalataya ang tingin ng ilan sa kanya. Walang pagkukunwaring inihayag ni Tomas ang kanyang nararamdaman. Pero, sa lahat ng mga apostol, siya ang nabigyan ng pagkakataong mahawakan ang sugat ni Hesus sa tagiliran, sugat na dinaluyan ng bukal ng buhay at karagatan ng awa. Hindi natin nakita, ang nakita ni Hesus kay Tomas – katapatan, sinseridad at pagpapakatotoo. Madali ang manghusga, mahirap makita ang pansariling kahinaan. Mga kapatid, inaanyayahan tayo sa araw na ito, na suriin ang ating sarili. Tingnan, kung merong bahid ng pagkukunwari at panghuhusga ang ating puso. Sa mata ng Diyos wala taong maitatago. Siya lamang ang lubos na nakakakilala sa atin. Alam Niya ang nilalaman na ating puso, isip, mga plano, pakiramdam at lahat, sa buhay natin. Kaya wala tayong dahilan upang magkunwari; walang karapatan upang manghusga kanino man. Hilingin natin, na sa tulong ni Apostol Santo Tomas, nawa’y tulungan tayo ng ating Panginoong magpakatotoo at palayain sa ugaling mapanghusga sa kapwa. Amen.