Daughters of Saint Paul

HULYO 4, 2023 – MARTES NG IKA-13 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON – Santa Isabel na taga-Portugal, reyna

BAGONG UMAGA

Mapagpalang araw ng Martes minamahal kong kapatid kay Kristo!  Ikaapat ngayon ng Hulyo, ginugunita natin si Santa Isabel na taga Portugal.  Hinirang na banal si Santa Isabel, dahil sa kanyang natatanging kakayanang pagkasunduin ang mga nag-aalitan.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang katatagan ng pananampalatayang makayanan ang unos at bagyong dumarating sa ating buhay.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  May aral tungkol sa pananampalataya ang Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Mateo kabanata walo, talata dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t pito.

Ebanghelyo: Mt 8, 23-27

Sumakay si Hesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang ano-ano’y nag karoon ng malakas na bagyo sa lawa. At parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Hesus.Ginising siya nila na sumisigaw. “Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!” At sinabi ni Hesus, “Bakit kayo natatakot? Kayong napakaliit ng paniniwala!” Bumangon siya, at inutusan ang mga alon, at hangin, at tumahimik lahat. Nagulat ang mga tao at sinabi nila, “Anong klasing tao ito? Sumusunod sa kanya pati ang hangin at dagat!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Baste Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  (Kapag nakasakay tayo sa barko namamangha tayo sa kagandahan ng karagatan. Lalo na dito sa ating bansa, biniyayaan tayo ng Diyos ng magagandang karagatan. Noong nakalipas na summer, umuwi ako sa aming bayan sa Masbate. Sumakay ako ng barko. Sa kalagitnaan ng aming paglalayag, meron malakas na alon. Pero para sa amin na palaging nagbabiyahe sa dagat, normal na ang ganung alon. Nakaramdam ng takot ang ibang mga kasamahan namin, dahil di sila sanay sumakay ng barko. Maliban sa sanay na akong sumakay ng barko, hindi ako nakaramdam ng takot dahil buo ang tiwala ko na kasama namin ang kapitan, at nanalig kami sa kanyang kahusayan sa pagpatakbo ng barko.)  Sa ating buhay pananampalataya, minsan hinahambalos tayo ng malalaking alon ng problema at mga suliranin. Minsan napapasabi na lang tayo: “natutulog yata ang Diyos kasi parang hindi Niya pinapakinggan ang mga panalangin ko.”  Sa ating mabuting balita ngayon, narinig natin na nakasakay si Hesus kasama ang mga alagad sa isang bangka. Bumugso ang malakas na alon, at natutulog ang Panginoong Hesus. Kaya nilapitan nila si Hesus at sinabi: “Panginoon, tulungan nyo kami.” Lulubog na tayo.”  Mga kapanalig, sino kaya ang tunay na tulog sa ating Mabuting Balita? Ang mga alagad ng ating Panginoong HesuKristo ay gising na gising, pero tulog naman ang kanilang pananampalataya. Sa kabilang banda tulog na tulog ang ating Panginoong Hesukristo, pero gising na gising ang kanyang pananampalataya sa Diyos Ama. Kung lumubog man ang bangka na sinasakyan ng mga alagad, hindi nila alam na kasama nila sa paglubog ang ating Panginoong Hesukristo. At higit sa lahat kung lumubog man ang bangka, kayang-kaya silang iligtas ng ating Panginoong Hesukristo.  Mga Kapatid, mas makapangyarihan ang ating Panginoong Hesukristo kaysa sa ano mang mga unos at alon na dumarating sa ating mga buhay. Kung itinuturing natin ang ating Panginoong Hesukristo, na kapitan ng ating mga buhay, wala tayong dapat ikatakot dahil siya ang magbibigay ng direksyon sa ating mga buhay. Kasama natin siya sa bangka ng ating buhay, lumubog man ito, kasama natin siya at kayang-kaya niya tayon i-ahon. Panatilihin lang nating gising ang ating pananampalataya sa kanya.  Amen.