BAGONG UMAGA
Magandang buhay minamahal kong kapatid kay Kristo. Ikaanim ngayon ng Hulyo, Kapistahan ni Santa Maria Goretti, dalaga at martir. Isang mainit na pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng mga ka-birthday ko sa araw na ito. Magpasalamat tayo sa Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan, at sa mga pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob atin hanggang sa sandaling ito. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Matutunghayan natin ang tagpo ng pagpagaling ni Hesus sa isang paralitiko sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata isa hanggang walo.
EBANGHELYO: Mt 9: 1-8
Sumakay sa bangka si Hesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Hesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Hesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat ninyong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi. Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Noong panahon ni Hesus, mahigpit na sinusunod ng mga Eskriba ang batas ni Moises. Kaya naman nang makita nilang nagpatawad ng kasalanan ng isang paralitiko si Hesus, pinaratangan nila siyang nagpapaka-Diyos. Pero sa milagrong pag-galing ng paralitiko mula sa kanyang kapansanan, pinatunayan ni Hesus, na tunay ang kanyang pagpapatawad, at siya nga’y Anak ng Diyos. Madalas dahil sa hangarin nating protektahan ang ating nalalaman tungkol sa ating pananampalataya at batas ng simbahan, nakalilimutan na nating unahin ang maging mapagmahal at mapagpatawad sa mga taong nagkakasala. Hindi naman kailangan ng Diyos ng ating proteksyon. Dahil Siya ang ating Tagapagligtas. Ang marapat nating gawin ay ang maging tulad niya sa lahat ng aspeto ng ating buhay—mapagmahal sa kapwa, lalo na sa mga dukha, at mapagpatawad sa mga nagkakasala. Mga kapatid, tao rin tayo gaya ng ating kapwa, kaya’t wala tayong karapatang maging diyus-diyosan at maliitin ang ating kapwa. Kung paanong hindi nanghusga si Hesus sa kahinaan ng iba, ganun din dapat tayo. Kung paanong nagpatawad at nagmahal si Hesus, ganun din dapat tayo.
PANALANGIN:
Ama, tulungan mo akong unahin lagi ang maging mapagmahal at mapagpatawad sa aking kapwa, sa anumang oras, sa anumang sitwasyon. Amen.