BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Dakilain ang mapagmahal nating Diyos sa patuloy na pagkakaloob sa atin ng pagkakataon na makibahagi sa Kanyang misyon. Ang bawat araw na ipinapahiram Niya sa atin, panibagong pagkakataon upang gumawa ng mabuti, punuan ang mga naging pagkukulang sa nakalipas na araw at maging daluyan ng biyaya at pagpapala para sa ating kapwa. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Maririnig natin ang pahayag ng Panginoong Hesus na dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisidlan/ sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata labing-apat hanggang labimpito.
EBANGHELYO: Mt 9:14-17
Lumapit ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Hesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.” Walang mag tatagpi ng bagong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi karin naman mag lalagay ng bagong alak sa lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak. At masisira rin ang mga sisidlan. Dapat lagyan ng bagong alak ang bagong sisdlan, sa gayo’y pareho silang tatagal.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa ating Ebanghelyo, tinanong si Hesus ng mga alagad ni Juan Bautista kung bakit hindi nag-aayuno ang kanyang mga alagad, samantalang sila at iba pang mga Hudyo ay nag-aayuno. Ang tugon Hesus sa kanila: Dahil sa kapiling niya sila! Ginamit niyang halimbawa ang wedding reception kung saan hindi nag-aayuno ang mga tao habang naroroon ang lalaking ikakasal. Sa halip, nagpapakasaya sila, umiinom at kumakain ng masagana. Bakit? Dahil sa presensya ng lalaking ikakasal na syang dahilan ng kasiyahan. Ganon din ang kalagayan ng mga taga-sunod ni Hesus. Kapag kinuha na si Hesus mula sa mga alagad, saka sila mag-aayuno, pero hindi pa, habang kasama nila siya. Mga kapatid, ang pag-aayuno ay isa sa mga magagandang kaugalian nating mga Kristiyano. Ginagawa natin ito bilang isang debosyon, lalo na sa panahon ng Kwaresma. Pero katulad ng marami pa nating kaugalian, napakahalagang alam natin ang dahilan kung bakit ginagawa natin ito. Dapat nag-aayuno tayo ng taos sa ating puso, at tunay na nakikiisa sa diwa ng ating Panginoong Hesukristo. Kung gagawin natin ito para magpakitang tao lamang, sayang ang biyayang maaari nating makuha mula dito. Ipanalangin natin na lagi tayong tapat sa lahat ng ating mga ginagawa. Amen.