Daughters of Saint Paul

HULYO 12, 2023 – MIYERKULES NG IKA – 14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA                                                                                                   

Mapayapang araw ng Miyerkules ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Dakilain natin ang Panginoon sa biyaya ng buhay at kalakasan, at sa patuloy Niyang paanyaya sa atin na makibahagi sa Kanyang misyon.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagsusugo ng Panginoong Hesus sa Labindalawang apostol sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata isa hanggang pito.

EBANGHELYO: Mt 10:1-7

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Ito ang pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya. Sinugo ni Hesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Mennen Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Mga kapatid, sa araw na ito muli tayong pinapaalalahanan ng Panginoong Hesus ng ating misyon, tulad ng misyon na ibinigay niya sa kanyang mga alagad.  Sa Mabuting Balita, narinig natin ang mga pangalan ng labing dalawang alagad o “Apostles” na sinugo ng Panginoon sa misyon – “Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos.” At kasunod nito ang pagbilin sa kanila na hanapin ang mga nawawalang tupa ng Israel o ang mga taong nawawala sa kanilang landas at pananampalataya sa Diyos.  Ang misyon na ipalaganap o ipangaral ang mabuting balita ng Panginoon ay para sa ating lahat na mga binyagan. Hindi lamang ito para sa mga pari, madre, relihiyoso at “missionaries”.  Nang tayo’y bininyagan at naging mga anak ng Diyos, may kaakibat itong misyon, isang responsibilidad natin bilang mga Kristyanong katoliko. Sa ating pagsimba, naririnig natin sa pagtatapos ng Misa ang “humayo kayo at ipalaganap ang mabuting balita”. Napakahalagang tandaan at gawin natin ang atas na ito.  Ano ba ang ating ipapalaganap, ipapangaral o ibabahagi sa ating kapwa? Ang pagmamahal ng Diyos, ang mga aral na natutunan natin sa mga pagbasa, lalo na sa mismong Ebanghelyo na nagbibigay sa atin ng liwanag o pag-asa ng buhay. Makinig din tayo sa homiliya ng pari upang mapalalim ang ating pagkaintindi ng Salita ng Diyos at maisabuhay ito.  Nawa’y tanggapin natin ang Mabuting Balita na biyaya ng Diyos, at sikaping maisabuhay at maibahagi ito sa ating kapwa sa tulong ng Banal na Espiritu.  

PANALANGIN:

Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya!  Nais po naming sumunod sa iyong kalooban na gawin ang misyon na ibinigay ninyo sa amin. Tulungan mo po kaming maibahagi ang iyong Mabuting Balita lalo na sa mga hindi pa nakakarinig nito at nawawala sa landas.  Hinihiling din po namin na gawin mo kaming instrumento at saksi ng iyong pagmamahal sa aming pamilya at kapwa, amen.