Daughters of Saint Paul

HULYO 15, 2023 – SABADO NG IKA – 14 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA                                                                                                   

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Dakilain natin ang Panginoong Diyos sa biyayang maranasan muli ang Kanyang walang-hanggang paglingap at pagmamahal. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin sa Mabuting Balita ang pahayag ng Panginoon na ang narinig natin ng pabulong, ihayag natin mula sa bubong.  Pakinggan natin ito ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata dalawampu’t apat hanggang tatlumpu’t tatlo.

EBANGHELYO: Mt 10:24-33

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Huwag kayong matakot!” tatlong ulit na sinabi ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita ngayon. Habang naghahanda para sa bagong taon 2023, isang mensaheng naglalaman ng video ang pumasok sa aking messenger. Maya-maya pa, sunod-sunod nang pumasok ang parehong video galing sa ibat-ibang contacts, babalang may darating na malakas na bagyong higit na makakapinsala kesa sa Yolanda. Dumating ang isang kakilala, na nagpaalalang bumili na, nang mga kinakailangang pagkain, gamot, rechargeable lamp at iba pa, upang maging handa sa parating na kalamidad. Mga kapatid, napakabilis magsiwalat ng takot sa social media. Isang press lang, matatanggap na ng mga contacts natin ang mensaheng ipinadala, pinag-isipan man o hindi. Naihasik ang takot sa isang iglap!  Marahil, paraan ito ng kaaway upang tuluyan tayong mawalan ng tiwala at pananampalataya sa Panginoong Hesus. “Huwag kayong matakot,” Tatlong daan animnapu’t limang (365) beses itong sinabi ng Panginoon sa Banal na Biblia upang maisapuso natin araw-araw, at magtiwalang hindi Niya tayo pababayaan. Yung videong nag-viral? CNN News pala noong December 4, 2014, pa. Kaya i-verify po muna bago magsiwalat, para maiwasan nating maging spreader ng fake news.  

PANALANGIN

Panginoong Hesus, tulungan Mo po kaming kumapit ng mahigpit sa Iyong pangakong, “huwag matakot.” Nawa’y Sa’yo lamang kami magtiwala; at patuloy na manalig at makinig. Ang mapayapang yakap N’yo po ang makapagpapalaya sa aming mga takot sa buhay. Taos pusong itinataas po namin ito Sa’yo, aming Poong Mapagmahal at Tagapagligtas. Amen.