Daughters of Saint Paul

HULYO 17, 2023 – LUNES NG IKA–15 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA                                                                                           

Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Atin nang pagnilayan ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata sampu, talata tatlumpu’t apat hanggang kabanata Labing-isa, talata isa.

EBANGHELYO: Mt 10:34—11:1

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.
Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Nawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumatanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sasabihin kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.” Nang matapos si Hesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan.

PAGNINILAY

Sa unang pandinig tila hindi Mabuting Balita ang Ebanghelyo ngayon.  Akalain mo, hindi kapayapaan ang dala ng Panginoon kundi paghihiwalay.  Parang taliwas ito sa mga natutunan nating aral na ang Panginoon tagapaghatid ng kapayapaan at pagkakaisa.  Bakit sa Ebanghelyo ngayon sinasabi Niya na hindi kapayapaan kundi tabak ang Kanyang dala.  Mga kapatid, nais ipaunawa sa atin ng Panginoon na kapag sinikap nating panindigan ang Kanyang mga turo – magdudulot ito ng pagkakahati-hati ng opinyon maging sa’ting mga kamag-anakan. Dahil ang Salita ng Diyos, higit na matalas kaysa alinmang tabak na may magkabilang talim. Nakasusugat ito ng budhing namumuhay nang taliwas sa kalooban ng Diyos; pero nakapagpapagaling din ng kaluluwang napapalayo sa Diyos.  Susubukin nito ang ating pananampalataya at mga pinahahalagahan; ang ating mga pinagkakaabalahan at gawaing binibigyan ng maraming panahon.  Kung susuriin natin kung paano natin ginagamit ang bawat araw na pinapahiram ng Diyos – kasama ba ang Diyos sa hanay ng ating pinaglalaanan ng panahon?  Kung hindi pa, panahon na para unahin Siya sa hanay ng ating prioridad.  Dahil kung uunahin natin ang Diyos at lagi nating sisimulan ang bawat araw sa pagdarasal at paghabilin sa Kanya nang lahat ng mangyayari sa buong araw, mamumuhay tayong mapayapa ang puso, laging umaasa na di tayo pababayaan ng Diyos.