Daughters of Saint Paul

HULYO 19, 2023 – MIYERKULES NG IKA–15 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

BAGONG UMAGA   

Mapayapang araw ng Miyerkules minamahal kong kapatid kay Kristo!  Purihin natin ang Panginoon na bukal ng lahat ng kabutihan!  Tatanungin ko muna kayo bago tayo magsimula.  Alin ang pipiliin n’yo:  Ang maging matalino at maraming teoriyang nalalaman o ang magkaroon lang ng simpleng karunungan?  Alam kong marami sa atin ang pipiliin ang maging matalino at maraming nalalaman.  Pero iba ang pamantayan ng Panginoon.  Mas nasisiyahan Siya sa mga simpleng tao.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan natin ang panalangin ng pasasalamat ni Hesus tungkol sa kakaibang biyayang iginawad ng Panginoon sa mga simple/ sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labing-isa talata dalawampu’t lima hanggang dalawampu’t pito.

EBANGHELYO: Mt 11:25-27

Nagsalita si Hesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Kapatid, sa mga graduations laging may tagpo ng pagpapasalamat. Pasasalamat ito ng mga graduates sa kanilang ama at ina. Sa graduation sa Schola Christi sa Talavera, Nueva Ecija, tradition ang thanksgiving sa mga parents. Dala-dala ng bata ang white rose, patakbong pupunta sa parents, ibibigay ang rose sa kanila at yayakap. Habang ang parents naman, mahigpit ding yayakap sa anak at pupupugin ng halik. Mapapaluha ka sa ganitong tagpo.  Sa moment ng papuri at pasasalamat isa itong matamis na kaugalian na kailangan nating i-treasure.  Sa pasasalamat natin sa Ama, hindi lang ito dahil sa mga benefits na nareceive natin o ang maging blessed sa buhay. Kundi kinikilala natin na ang Diyos ang focus at center ng ating pasasalamat at nasisiyahan tayo na pasalamatan Siya. Halimbawa, sa mga panahon na lalo nating nakilala ang sarili natin. Lalo nating natututuhan kung paanong magmahal kahit walang kapalit. Nabubunyag din sa atin kung ano ang kahulugan ng buhay dito sa lupa. Sa pagpupuri at pasasalamat sa Ama, kailangan ng personal na ugnayan sa Kanya. Natutulad ito sa panalangin ng ating Hesus Maestro. Sa panahon ngayon, marami nang sumusubok sa ChatGPT Artificial Intelligence. Halimbawa, itype mo: Compose a Prayer of Thanksgiving to God. Five seconds lang, may prayer of gratitude na sa harap mo. Impressive! Autogenerated at nakasalansan nang tama ang mga dapat pasalamatan sa Diyos. Maganda ang dasal, pero magdidiscern ka kung tama ba itong gamitin.  Paano tatanggapin ng Ama ang papuri   kung hindi ito galing sa puso? Paano itong madadasal nang taos kung hindi ito nakabatay sa sariling karanasan at ugnayan sa Ama? Deserve ng ating Ama ang wagas na pasasalamat at papuri.  Let us not settle for any artificial thanksgiving and praise. We must be sincere to our Father.